You are on page 1of 9

Break Na Tayo? Pwe!

Mapa-IMAX o masurot na sinehan sa Guadalupe at Cubao, sa tuwing gusto kong manood ng bagong pelikula, iisang ticket na lang ang kailangan kong bilihin. Mabilisang 50% saving nang walang kinakailangang discount coupon o proof of purchase. Ni hindi ko na din kailangang makipagtalo, makipagdebate o magmakaawa para lamang maipagtanggol ang katotohanang hindi dahil mahilig ako sa superhero movie ay isa na akong super-dork, and at the same time,hindi lahat ng lalaking nanonood ng romance films ay romantiko. 80% sa kanila ay malamang napilitan lang. Bukod pa doon, mai-enjoy ko na ang popcorn nang walang nagrereklamong masyadong madaming asin ang aking nailagay at hindi ko na din kailangan pang itago sa aking tagiliran ang softdrinks dahil wala nang banta na may basta-basta na lang makikisipsip kahit na meron naman siyang sariling baso. Hindi ko na rin kailangang magbantay sa labas ng CR kung saan inaabot ka ng labingwalong dekada, habang hawak ko ang bag mo at unti-unting nalulungkot dahil nasa bandang kalahati na ang pelikula. Pwede na rin akong manahimik sa isang pwesto. Hindi naman kasi ako maarte pagdating sa upuan. Basta nakikita ko ang palabas, ayos na. Eh ikaw, ginagamitan mo pa ata ng tangent at logarithmic function ang pagpili ng silya. Ayaw mo ng malapit dahil nakakaduling. Ayaw mo ng malayo dahil hindi mo masagap ang buong visual clarity. Ayaw mo sa gitna dahil madaming tao. Tinanong kita kung gusto mo ng lubid. Nagalit ka naman. Ewan ko sayo.

Sa wakas, pwede na akong mag stick-to-one sim card at hindi umastang tila miyembro ng isang sindikato na kailangan magpalit ng sim kada oras para hindi ma-trace ng PDEA. Tapos na ang mga panahon kung saan napupuyat ako kaka-research ng kung ano ang ibig sabihin ng mga naglipanang text/call promo ng ibat ibang network provider, para lang buong araw akong ready na sagutin ang iyong mga text na pwedeng ibandera sa frontpage ng tabloid tulad ng lowbatt na me at kakagutom d2. Halukay ube sa mga promo. Nakaka-pigsa ng utak. All text. Supercombo text. Unlitext. Bwakanginagrabesasupertext. Hindi ko na rin kailangang iwanan ang pini-prito kong daing na bangus para lang magpa-load sa tindahan dahil sa takot na magalit ka at reply-an ako ng K. Wala na ring ala-FBI agent na ku-kwestiyon sa akin kung bakit patay ang aking cellphone kaninang 3:12 PM. Mahirap bang paniwalaan na nawawalan ng power ang cellphone? De-battery sila at hindi nabubuhay sa pamamagitan ng pawis sa mukha ko o libag sa aking kuko at mga daliri. Malaya ko na ring maite-text ang aking mga kaibigan nang walang nagdududa na babae talaga sila Bruno at Baldo. Para sa iyong impormasyon, lalaki talaga sila. At kahit gumapang man kami sa kalasingan, walang romantikong relasyon ang mabubuo sa pagitan namin. Baka mapatay muna namin ang isat isa bago mangyari yun.

Hindi ko na kailangang ibuwis ang aking buhay kakaakyat-baba ng overpass sa Shaw para lang maihatid at sunduin ka. Ngiti lang ako ng ngiti pero hindi mo talaga alam ang kwento sa likod ng mga pawisan at naghahabol ng hiningang pagdating ko sa ating tagpuan. Isang beses, muntik na akong saksakin ng isang gusgusin at walang manners na holdaper. Buti na lang naawa siya ng sabihin kong may babaeng

naghihintay sa akin. Tumulo ang kanyang luha sabay sabing Dre, galing din ako dyan. Naiintindihan kita. Sige, lumakad ka na. Sayo na yang cellphone mo. Ay. Sorry. Sayo naman pala talaga yan. Payong kapatid lang. Nakikita mo ang sitwasyon ko ngayon? Dahil din ito sa pag-ibig. Simula noon, walang araw na hindi ako natakot na balang araw ay magiging kawatan na din ako dahil naging tayo. Buti na lang, tapos na yun.

Ang sarap pala ng pakiramdam ng mag-like at mag-share ng status o larawan ng mga kaibigan mong babae. Noon kasi, isang like lang, eternal damnation na agad ang kapalit mula sayo. Masarap ding matulog ng maaga nang walang takot na baka kinabukasan ay maabutan kong bukas pa pala ang aking computer at ang screen nito ay puno ng nakakagimbal na tinulugan mo na ako?, ewan ko sayo, good night, bye at Brendang Praning went from being in a relationship to its compilcated. Imposible na rin akong masisi kapag may litratong hindi nai-upload o hindi ka nai-tag. Hindi naman ulam ang mga digital images. Hindi yan mapapanis kapag hindi naipaskil sa wall mong namumutakti na din naman ng larawan mo kung saan may 160 pictures na iisa ang background at nahahati sa dalawang pose: (a) naka-smile ka at (b) katabi mo yung bago mong cellphone. At isa pa, hindi dahil hindi ko ni-like ang status mo, eh ibig sabihin nun ay hindi na kita mahal, may gusto na akong iba at buong kataksilan kaming magtatanan at kalaunan ay magbubunga siya ng tatlo hanggang limang malulusog na supling.

At ngayon, kapag gutom ako, pwede na akong kumain. Simple. Mabilis. Epektibo. Dahil ang tanging lunas sa gutom ay ang kumain. Yun lang. Wala nang mga seremonyas at pesteng ritwal. Hindi ko na kailangang sumunod at maglakad sa buong mall para lang makakita ng kainan na trip mo. Malaya na din akong makakapili ng pagkain na kakainin nang hindi nag-aalala na baka isipin mo, hindi tayo compatible dahil magkaiba ang uri ng burger na inorder natin. Hindi ko na rin kailangang bagalan ang pagubos ng pagkain para lang sabay tayong matapos. Hindi naman ako nagmamadali. Parang ewan lang kasi ang iyong limang butil ng kanin per kutsara rate. Wala na ring boses sa loob ng tenga ko na nagsasabing ayusin mo yung plato mo, mamaya ka na kumain, kukunan ko muna ng picture. Ayos lang sana kung nakakabusog ang flash ng camera o laman-tiyan ang likes nito sa Facebook kapag pinost mo.

Pero lahat yun, tapos na. Bwahahahaha. Gusto kong umorder ng tatlong toneladang fireworks sa Bocaue at sindihan sa may Baywalk sabay kuhanan ang aking sarili ng video habang nakangiti, tumatalon sa tuwa at gumugulong sa semento. Kaso..

Ayoko nang manood ng sine mag-isa. Gusto ko yung may kasama. Alam mo ba kung gaano kamukhang tanga ang tumawa sabay wala kang pwedeng kalabitin at alamin kung natawa din ba siya? Tipong gusto ko nang humalakhak ng sobrang tindi na tila mapupunit na ang bibig ko pero malulungkot din agad kapag na-realize kong wala akong katabi. Wala na rin akong gana kumain ng popcorn. Na ikinatuwa naman ng kalapit kong manonood ng ibigay ko na lang sa kanya. Hindi na rin ako nanonood ng love story, nakaka-inggit lang kapag nagmasid ka sa paligid. Pati horror, hindi na ako tumatangkilik. Selfexplanatory.

Wala nang silbi ang cellphone ko. Pwera na lang sa pagiging calculator at ilaw kapag madilim. Sa tuwing tinitignan ko ito, naalala kita. At madalas, umaasang lalabas ang pangalan mo sa isang tawag o mensahe. Kapag wala, as usual, kunyari tinignan ko lang ang oras. Nakakayamot din yung mga promotional texts tungkol sa mga ringbacks. Akala ko kasi, ikaw yun. Tapos basura lang pala. Magkano kaya ito kapag isinangla?

Tuwing alas-sais, wala na akong ginagawa. Nakatunganga na lang at iniisip kung nakauwi ka ba ng maayos, kung nahirapan ka bang mag-abang ng masasakyan, hindi ka ba sinipulan sa loob ng jeep o pinagkaitan ng aircon sa FX. Hinahanap hanap ko na din ang mga kwentuhan natin sa tuwing mabagal ang daloy ng traffic sa EDSA o sadyang bwakaw lang sa pasahero ang driver, ang nakakatawang pagsusungit mo tuwing male-late ka na tapos magpapa-gasolina pa ang sinasakyan nating jeep at lalo na yung malumanay na pagdampi ng ulo mo sa balikat ko sa tuwing inaantok ka sa biyahe.

Madalas ko pa ring tignan ang mga picture mo sa Facebook. Lalo na yung mga bagong upload. Maganda ka pa rin. O mas lalong gumanda dahil hindi ka na stressed sa akin. Minsan gusto kong mag-comment o i-like ang isa sa kanila. O di naman kaya ay padalhan ka ng private message. Kaso nakakatakot. Baka kasi pag natanggap mo, burahin mo agad kahit hindi mo pa nababasa. Isang reply lang naman. Solve na ako.

Ayoko na din kumain mag-isa. Una, nakakawalang gana. Pangalawa, walang magbabantay ng lamesa. Kapag tapos ka nang umorder sa counter, wala ka namang mauupuan at habang buhay na magja-juggle

ng tray mong dala. Ayoko na ding umupo dun sa pang-isahang mesa na madalas eh nasa sulok o di naman kaya ay katabi ng CR at handwashing area. Nakaka-dismaya naman kasing kumain kapag doon ka naka-pwesto. Parang huling hapunan mo na at maya-maya lang ay isasalang ka na sa garote, dahil sa sobrang lungkot. At pangatlo, wala na akong kapalitan ng pagkain tulad ng sa lauriat. Madalas kasi tayong mag-exchange gift. Siomai sayo. Bochi sa akin. O kaya minsan kukumbinsihin kitang nakakataba ang inorder mo, para sa akin na lang lahat. Hindi ko din makalimutan ko paano mo ako ipagbukas ng sachet ng ketchup dahil alam mong sabaw ako pagdating dun. Itinabi ko nga pala yung mga resibo natin. Ewan ko kung bakit.

Break na tayo? Ano naman? Hindi ako malungkot. Hindi lang ako masaya. At gusto ko ulit ang dati.

Break na tayo? Pwe!

Pwede bang tayo na lang ulit?

Break Na Tayo? So? Ilang beses ko nang sinabi sayo. Hindi ka si Tony Stark. Pero at least ngayon hindi ko na kailangan pang ulitin. Malaya ka nang magpatubo ng balbas, bigote, balahibo ng manok o talbos ng kamote sa mukha. Kung bagay man ang facial hair kina Ryan Gosling o Orlando Bloom, hindi na kailangan ng sayentipikong pag-aaral para sabihin sayong hindi iyon applicable sa lahat. Hindi ko sinasabing panget ka. Hindi lang siguro naaayon sa facial features mo ang goat tee. At tandaan mo, galing ito sa babaeng minahal ka sa kabila ng iyong ultimate consistency ng pagsusuot ng gusot na damit at kawalan ng pag-ibig sa art ng pagsusuklay. Isipin mo kung ano pa kayang sasabihin ng ibang tao na walang pakialam sayo. Hindi kita dinidiktahan. At noong tayo pa, tanggap ko ang lahat ng tungkol sayo. Ang sakin lang, kung hindi man dapat masyadong pagtuunan ng pansin ang pang-labas na kaanyuan, sana wag ka na lang din gumawa ng ikasasama pa nito. Mag-ahit kang lintik ka. Hindi ka mukhang henyong superhero. Para kang taongtabon na naligaw at inabandona ng mundong puno ng pagmamahal. Teka. Wala na nga pala tayo.

Isa pa, yang buhok mo. Hindi ko maintindihan. Ano ba itong obsesyon mo na sirain ang iyong imahe sa pamamagitan ng pagpapatubo ng maling haba ng buhok, sa maling parte ng katawan at sa maling pagkakataon. Minsan na kitang sinita. Sabi ko magpagupit ka. Pero sumagot ka na ganito ang bagong hairstyle ni John Mayer. Pinaalala ko sayo na minsan ka nang pina-blotter sa barangay dahil sa pagbivideoke. Tapos D-A-G-A lang ang alam mong chord pattern sa guitara. Akala mo compliment. Hindi na ako sumagot. Pero dahil wala na tayo, heto ang katotohanan. Tulad ni Ironman, hindi ka si John Mayer. Wala kang single na nag no.1 sa music charts. Ni sa Snellen chart nga, na pansukat ng iyong malabong paningin eh hindi ka pumasa. Kung ayaw mo talagang tabasan yang mala-dayami mong buhok, shampoo-han mo na lang araw-araw. Yung huling beses na lumabas tayo, parang may mga sapot na sa anit mo.

Please lang, kahit hindi na kita pwedeng paalalahanan, sana kumain ka ng gulay. Hindi dahil cartoons si Popeye eh hindi ka na maniniwalang mabuti sa tao ang mga green, leafy vegetables na gaya ng spinach. Oo, hindi lalaki ang braso mo na parang pamalo ng bagong huling dalag sa sapa pero at least magiging malusog ka. Kung hindi ka naman tinatamad, gumising ka na din ng maaga at mag-exercise. Sa labinlimang beses na niyaya kitang mag-jogging, isang beses ka lang sumama. Pagdating mo pa sa parke, malapit nang mag-tanghalian. Tapos, wala pang isang metro ang tinatakbo mo, bigla ka nang natumba at nagsisisigaw ng sprained ankle!. Pag-uwi mo, kinuhanan mo agad ng picture ang marupok mong paa sabay post sa Facebook, na may caption na life of a true baller. Oo, baller. Bolero. Hindi naman kita pinipilit hilain patungo sa isang healthy lifestyle dahil gusto kong magkaroon ng karelasyong may-abs o mukhang model ng mga gagarampot na brief na usong uso ngayon. Gusto ko lang humaba ang buhay

mo, kamote ka. Pero dahil tapos na tayo, malaya ka nang lumaklak ng Coke Zebo at mamulutan ng piniritong taba ng balyena.

Speaking of laklak, noong tayo pa, aminin mo, ilang beses kang nagsinungaling sa akin para lang makipag-inuman sa mga barkada mo? Naalala mo pa ba yung time na nag-text ka sa akin na hindi mo ako masusundo dahil mataas ang lagnat ng kapatid mong babae at walang mag-aalaga? Ilang libong sorry ang isinambit mo sa akin nun nang ma-realize mong alam kong wala kang kapatid? At naalala mo din ba yung nagmamadali kang umuwi sa date natin dahil sabi mo mayroong emergency sa bahay niyo. Hindi na ako masyadong nagtanong diba? Kasi akala ko talaga importante. Kaya naman nung hindi ka nagre-reply sa mga text ko ng pangungumusta ay pinuntahan kita sa inyo kahit gabi na. Laking gulat ko nang maabutan kitang walang malay sa labas ng gate niyo. Lasing, tulog at tumutulo ang laway. Natakot pa nga ako na baka patay ka na dahil sa dami ng langgam at langaw na pumapaligid sa iyo. Ikaw naman kasi. Hihiga ka lang sa kalsada, doon pa sa may etchas ng aso. Isa pa nga ako sa mga tumulong na buhatin ang bangkay este walang malay mong katawan papasok. Yun pala ang sinasabi mong emergency.Na madudurog ka sa kalasingan. Ang galing. Nakikita mo pala ang future. Bakit hindi ka manghula sa Quiapo? Tuloy mo lang. Im sure tuwang tuwa ang atay mo sa iyo.

Hindi dahil pinabibitbit ko sayo ang bag ko tuwing naglalakad tayo, eh ibig sabihin, ginagawa kitang utusan o bell boy. Magaan lang naman yun ah. Gusto ko lang kasing malibre ang mga kamay ko upang mayakap ang isang braso mo. Para iparamdam kung gaano ako kasaya sa tuwing magkasama tayo. At hindi dahil sinusubuan kita sa tuwing kumakain tayo sa labas ay para ituring kang bata. Gusto ko lang maglambing. Kaso ikaw pa ang malakas mag-inarte. Kung ayaw mo nun eh di huwag. Iba na lang. Saksakin na lang kita ng tinidor sa lalamunan.

Hindi dahil madalas kitang sabihan na magpa-load ay gusto kitang pahirapan o mabawasan ng pera. Gusto ko lang kasing laging may paraan na makapag-usap tayo. Para naman hindi ka mag-isa at may masabihan ng problema kung sakaling malas o badtrip ang araw mo. Hindi lang naman ikaw yung nageeffort. Nagpapaload din ako sa tindahan at nagbabayad. Pareho tayo, engot. Hindi lang ikaw. Kaya huwag kang mag-feeling martir.Hindi ako anak ng may-ari ng Smart o Globe kung saan ang dingding ng aking kwarto ay gawa sa card ng tig-1000 load.

Hindi dahil partikular ako sa mga petsa at pangyayari na may kinalaman sa relasyon natin ay masyado akong sentimental. Mahalaga lang kasi sa akin ang mga iyon. Kung may regalo man ako sa iyo sa araw ng ating anniversary at ikaw wala, natural lang naman siguro kung magtampo ako. Alangan namang umupa pa ako ng sound system at strobe lights. Hindi ko rin minemorize ang mga ito para ipamukha sa iyo na alam ko ang mga eksaktong petsa o oras at ikaw ay hindi. Girlfriend mo ako. Hindi isang history professor.

Hindi dahil pinapaalalahanan kita palagi tungkol sa samut saring bagay ay nagger ako. Hindi mo ba naisip na baka marami ka lang talagang palpak na nakagawian? Kung hindi ko sasabihin sayo, paano mo malalaman? Kung hindi ko gagamitin ang bibig ko para maitawid ang aking opinyon at mensahe patungo sa barado mong tenga, paano mo makukuha? Anong gusto mo? Isulat ko sa papel tapos ilagay sa bote at itapon sa dagat? Sabay tumakbo sa simbahan upang magdasal na sana ikaw ang makadampot nito upang mabasa mo? Drago ka ba?

At panghuli, hindi dahil madalas kitang pagsabihan ay gusto kitang baguhin o kontrolin. Wala akong balak diktahan ang buhay mo. Gusto lang kitang mapabuti. Karamihan naman sa mga pangaral ko ay may positibong bunga sa bandang huli. Kailan ba kita sinabihang kumain ng bubog na may mayonnaise o mag-motor ng free-hands sa Balete Drive? Ang sakin lang, maaaring malimot mo ang mga date, regalo at pa tweetums na palitan ng text messages pero matagal-tagal mong dadalhin ang mga aral, mabubuting ugali at gawi na pareho nating ibinahagi sa isat isa. Hindi naman nasusukat ang tamis ng relasyon sa magarang tawagan gaya ng bhe at chocofudge sundae with real chocolate bits kundi ng pangkalahatang kabutihan ko sa iyo. Ganun kita kamahal. Mas lalo na ngayon. Na wala na tayo.

Break na tayo? Ano naman? Hindi ako ang lugi dito. Pero hindi din naman ako lumamang.

Break na tayo? So?

Sobra ba kung hihilingin kong bumalik ka na.

Break Na Kayo? Hindi Nga? Gusto kong sabihin na isang daang porsiyento akong nalulungkot sa paghihiwalay niyo. Pero para wala nang lokohan at pasimpleng sundot ng kasinungalingan ang maganap, dapat nang magka-aminan. Oo. May himulmol ng tuwa ang nananalaytay sa kabuuang yarda ng simpatya na aking ipinaabot gamit ang imortal na simbolo ng sincerity ang like button sa Facebook. Kung tatanungin mo kung ilang percent ang aking lihim at medyo maitim na kagalakan na may kinalaman sa pagdausdos sa kanal ng inyong relasyon, sabihin na nating 5%. Hmm. 10%? Sige na nga. Totoo na. 20%. Sapat na ba yun para magkaroon ng imbitasyon patungong impyerno pagdating ng araw? Masisisi mo ba ako? Sige nga. Tanungin mo lahat ng mga kagaya kong bokya sa larangan ng pag-ibig. Kung sino man ang magsabing naguumapaw sa kalungkutan ang puso nila sa tuwing magiging saksi sa isang break-up ay isang bulaang propeta at dapat i-bartolina.

Sa loob ng labingwalong beses mong pagpapalit ng relationship status sa isang linggo, hindi ba dapat ituring mong goodnews ang inyong paghihiwalay? At least ngayon, naka-pirmi sa iisang classification ang iyong love-life at hindi ka parang balat na ginapangan ng higad sa sobrang kakatihan na palitan ito on a daily basis. At alam mo ba, na sa tuwing nagiging single ka, tapos babalik ng in a relationship , na magiging its complicated pagkalipas ng ilang minuto, at ibabalik mo ulit sa in a relationship bago sumapit ng hapunan, ay buong kalungkutang inaamag, binabahayan ng anay at napupuno ng agiw ang relationship status kong single. Pakiramdam ko nga tinubuan na siya ng kulani sa sobrang pagiging stagnant. Minsan nga, gusto ko na ding palitan at pakunwaring maging in a relationship. Kaso, matinding lokohan naman yun.

Araw-araw kang nagpo-post ng picture niyong dalawa na magkasama. Sa labas ng sinehan, habang nakapila sa pagbili ng ticket, habang hawak niyo ang ticket, close up/solo shot ng ticket, habang bumibili ng popcorn, habang hawak niyo ang popcorn, close up/solo shot ng popcorn, paglabas ulit ng sinehan with caption after the movie at sa tabi ng promotional poster ng pelikulang pinanood niyo. Samantalang ako, alam mo ba kung anong dapat kong gawin para lang magkaroon ng ka-love team sa litrato. Photoshop. Oo, kailangan ko pang i-photoshop ang isang walang malay na litrato ng isang artista o inosenteng kakilala na ilang linggo ko nang ini-stalk. Tapos lalagyan ko ito ng tagline na forever and ever kaso kailangan ko ding burahin agad dahil wala namang maniniwala at baka mai-report pa ako bilang sex offender.

Punong-puno ang wall mo ng mga status tungkol sa inyong nakaraang date, nalalapit na monthsary, ang kabuuang bilang ng inyong mga monthsary, kabuuang bilang ng inyong monthsary na nai-convert sa ibang units of time gaya ng oras, minuto at segundo, detalye ng mga pinaguusapan at plano niyo sa buhay at ang inyong lucky number, na alam naman nating may kinalaman na naman sa inyong monthsary. Hinog na hinog sa pag-ibig ang wall mo. Samantalang sa akin, maanta pa sa gamit na mantika. Puro horoscope, ibig sabihin ng aking pangalan, fortune cookie, kung anong level na ako sa kinalilibangan na online game, ang pinaka-latest na score ko sa bingo, mga larawan ng gamot na pampapayat, pampataba, pampaputi ng ngipin at pampalaki ng kung anu-anong bahagi ng katawan mula sa mga online stores, kung sino ang kamukha kong artista, kung anong petsa daw ako mamamatay, mga chain message na kapag hindi ko ipinasa sa mga katulad kong sawi ay magiging sanhi din ng aking pagkamatay, quotes tungkol sa pagibig, na ironic dahil wala naman ako nun, report ng mga nag-view daw sa aking profile, dami ng tao na nag-unfriend sa akin at mga pekeng congratulatory note dahil nanalo daw ako ng iphone at trip to Afghanistan pero nakakapagduda dahil one-way lang ang libreng ticket. Minsan nga din palang may nag-appear sa account ko na how many has a crush on you. Kahit alam kong lokohan, medyo napangiti na din ako. Kaso yung sagot, zero.

Ano bang meron ka? Bakit ikaw lang ang napili ng pagkakataon para magkaroon ng malusog na buhaypagibig? Mabait naman ako. Matalino din. Sa akin ka pa nga madalas mangopya. Hindi naman taonggrasa ang lapagan ko. May favoritism ba ang tadhana? Nakaguhit ba ito sa aking palad o nakasulat sa etiketa ng suot kong underwear? Madalas ko namang makatabi sa seatplan ang crush ko dati. Pero bakit hindi kami nagkatuluyan? O kahit nagkaroon man lang ng konting gitgitan at kislap? Bakit walang sumubok? Bakit wala akong nasubukan? Gusto kong sabihin na mas masaya maging single kaso malamang pabulaanan ito ng suki kong manghuhula sa Quiapo na lingguhan kong pinupuntahan upang isangguni ang krisis sa aking love-life. Pati na din yung binibilhan ko ng pink na kandila na itinitirik ko para magliwanag daw ang tsansa na magkaroon ng jowawers.

Hindi naman ako masaya dahil malungkot ka. Hindi din ako nagkaroon dahil nawalan ka. Swabe lang sigurong isipin na sa isang banda, nagiging patas din pala ang meron at walang lovelife. Kung kasamaan man yun, oo na, hindi na ako papalag. Tawagin mo si Ultraman at isuplong ako sa kanya. Drama mo. Buti ka nga nakadama ng pagmamahal. Eh ako? Kinulang sa dilig hanggang natuyot at pumait. I-karate chop kita dyan eh. Break na kayo? Hindi nga?

Yes! Bwahahahahaha!!!

You might also like