You are on page 1of 2

Band-aid ng Bayan

By: Wennie Fajilan


Professor-UST faculty of Engineering
Papikit na ko nang magising sa text ng isang kaibigan. Lilipad na raw siya sa susunod na buwan, sa
wakas tanggap na siya sa abrod. Nagfreeze ang antok ko. Tumambad ang mga larawan ng higit 10 taon
naming pinagsamahan. Sunod-sunod namang nagflash ang mga mukha ng iba pang malalapit na
kababata at kaklaseng nagsiliparan na rin sa ibang bayan. Tunaw na ang antok ko.
Mag-aanim na taon pa lang akong gradweyt sa kolehiyo pero nalalagas na ang mga kabatch ko. Taon-
taon may umaalis para maging “bagong bayani” ng bayan o tuluyang iwanan ito. Iba-ibang okupasyon,
samu’t saring bansa. Merong businessman sa London, propesor sa Madrid, writer sa Brunei, engineer
sa Singapore, pharmacist sa Australia, titser sa Bahrain, tutor sa Japan, caregiver sa US at mga migrante
sa Canada at New Zealand. Dalawang kaklase ko sa BA ang nagnars pagkagradweyt namin at ngayon
nasa London na rin. Sa totoo lang, kulang ang isang pahina para isa-isahin pa ang lahat ng aking mga
kakilalang nangibang bayan na.
Tuwing may nagpapaalam na mag-abrod, tiimbagang ang pagsasabi ko ng “Ingat!” Tapat naman ang
basbas kong maging ligtas sila pero mapait ding makita silang umalis. Oo, praktikal naman talaga ang
magtrabaho sa labas lalo na kung higit 10 beses ng kita dito ang maaaring makuha doon. Paano mo
tatanggihan ang pagkakataong bunuin ang lakas para palayain ang sarili at pamilya sa kumunoy ng
kahirapan. Maaaring matiis ang malayo sa pamilya at mga kaibigan, maging alipin ng mga dayuhan
kung ang kapalit naman nito ay mas malinaw na ginhawa sa buhay. Hindi man bawasan ng buwis ang
sweldo mo ligtas ka pa rin sa mga krimen, malinis pa rin ang kapaligiran at maayos ang daloy ng
buhay.
Suicide ang kumayod-kalabaw sa Pinas. Kulang na nga ang sweldo pero kailangang laging mag-
overtaym, yumuko sa mga bossing at magbuwis ng higit sa kailangan para kamkamin ng mga nasa
trono’t nagrereyna-reynahan sa puting palasyo.
Pero, utak-alipin pa rin tayo kung tatanggapin nating tunay na kabayanihan ang pagiging OFW. Oo,
walang dudang tagapagsalba sila ng naghihingalong ekonomiya. Bilyong dolyar ang pinapasok nila na
nagiging pantapal sa misalokasyon at korapsyon sa pondo ng bayan.
Hindi na rin pala ako lalayo. Sa Cubao, Libis, Makati maging sa Cebu at Davao, may mga “lokal na
bagong bayani” rin, ang mga call center agent. Katulad ng mga nangibang bayan, nakatono sa oras ng
bansang kanilang pinangangamuhan ang kanilang mga katawan. Hindi na rin sila nakikita ng mga
kaibigan at kapamilya dahil imported ang kalendaryo nila. Pinapadugo ng mga bayaning ito ang
kanilang ilong para maka-Ingles na may twang habang nagtetengang-kawali naman sa mga alimura at
pag-aalboroto ng kliyenteng dayuhan.
Sabay sa kanilang kabayanihan, nagsulputan ang mga 24 oras na kumbenyenteng mga tindahan,
fastfood at mga de-litrong kapihan. Ang pagtaas ng kaso ng TB, Ulcer, Hypertension at Kanser sa
susunod na dekada ay hindi nakagugulat kung ginagawang kwagong telepono ang mga Filipinong
tapos ng kolehiyo. Kapalit naman nito ay tatlong beses o higit pang halaga ng sweldo ng isang
karaniwang kawani ng gobyerno. Matiisin talaga ang mga Filipino.
Habang merong sumasalba sa atin, kampante tayong hayaan ang mga abusado. Malamya ang
pakikibaka para sa makatarungang pagbabago at mahusay na pamamahala dahil may Band-aid pa sa
malalang pigsa. Buwanang darating ang mga sustento at di naman nawawalan ng mga bansang
nangangailangan ng pinakamasisipag na manggagawa sa mundo.
Pero habang ang pawis, husay at talino nila ay hinahamig ng mga bansang kanilang pinangangamuhan,
anong kalidad ng pag-unlad ang matatamasa ng ating bayan?
Paano tataas ang kalidad ng medisinang Filipino kung ang mga bar topnotchers ay nagnanars sa halip
na magriserts at magpaunlad ng mga katutubong gamot at praktikang pangmedisina? Aasahan ba nating
mawawala ang baha sa Metro Manila o malilinis nang tuluyan ang ilog Pasig kung ang mga
pinakamahuhusay na inhinyero ay nasa Saudi at Qatar para pahusayin ang mga tubo ng langis? Anong
silbi ng libreng edukasyong pampubliko kung ang mga pinakamasisipag na guro’y nasa mga klasrum
sa Texas at Beijing?
Hanggang kailan natin hahayaang maging kwagong telepono ang mga kabataang nagsunog ng kilay
para sa diploma sa kolehiyo? Anong uri ng pagkabata ang huhubog sa mga sanggol na Filipinong
ninanakawan ng panahon sa piling ng kanilang mga magulang?
Sa mga pagkakataong ganito, nangungulit ang isip ko sa pagtatanong. Ano kaya tayo ngayon kung,
Tinanggap ni Lapu-lapu ang pagdating ni Magelan?
Nanahimik sina Sumuroy, Tamblot at Diego Silang?
Nanatili sa kumbento ang Gomburza?
Nagpakadalubhasa si Rizal hanggang tumanda sa Europa?
Nagpalawak ng sariling negosyo si Bonifacio?
Maaaring wala nang saysay ang paghahaka ukol sa mga posibilidad ng mga pangyayaring nakaraan na.
Subalit kung mabubuhay ang mga bayani ngayon, makikiagos lang ba sila sa uso at praktikal?
Igagawad din ba nila ang titulong “bagong bayani” sa mga Band-aid ng bayan?
Siguro ang higit na dapat paghandaan ay ang mga tanong sa atin ng mga anak ng susunod na siglo.
Pero, magpang-abot man tayo, hindi na natin kailangang tumugon. Minana na nila ang pilat o balat ng
ngayon.

Link:
http://kilapsaw.wordpress.com/2009/08/17/band-aid-ng-bayan/

You might also like