You are on page 1of 18

Unang Burador, 11 Abril 2014 Inilabas ng Pambansang Komiteng Tagapagpagganap ng League of Filipino Students

LABANAN ANG PAPATINDI AT AGRESIBONG INTERBENSYON NG IMPERYALISMONG ESTADOS UNIDOS! SINGILIN ANG SABWATANG US-AQUINO SA PAGPAPAHIRAP SA KABATAAN AT MAMAMAYAN!
Sa darating na Abril 22-29, nakatakdang bumisita sa Asya-Pasipiko ang presidente ng imperyalistang Estados Unidos ng Amerika (US) na si Barack Obama. Una sa kanyang listahan ang pagpunta sa Japan at susundan naman ng South Korea at Malaysia. Magtatapos ang kanyang tinaguriang Asia-visit sa Pilipinas (Abril 28 hanngang 29). Ang nakatakdang pagbisita ni Obama ay para personal na tiyakin na maitutulak ng mga kaalyado nito at ng mga malakolonyang bansa sa Asya-Pasipiko ang mga pang-ekonomiyang interes nito sa pamamagitan ng mga neo-liberal na patakaran habang tinitiyak ang patuloy na paglakas ng sandatahang lakas ng Amerika sa rehiyon. Ngunit bago pa man ang pagdating ni Obama, tinitiyak na ng matapat na tuta nitong si Noynoy Aquino ang patuloy na pagsusulong sa mga interes ng imperyalismong US. Sa aktwal, masugid nitong minadali ang pagpipinal ng Agreement on Enhanced Defense Cooperation (dating Framework Agreement on Increased Rotational Presence) habang nakatakda naman ang pagratsada ng Charter Change. Sa pamamagitan ng mga kasunduuan na ito, natitiyak ng imperyalismong US ang agresibong papatindi nang panghihimasok sa internal na mga usapin sa ating bansa para sa higit na kontrol at dominasyon sa ekonomiya, pagkamkam ng yaman sa bansa, paggamit ng larangang mlitar at sa papet na gobyernong Aquino para isulong ang imperyalistang mga adhikain at interes sa buong rehiyon ng Asya-Pasipiko. Walang dangal ang pagyukod ng gobyernong Aquino sa pagyurak sa pambansang soberanya, patrimonya, at teritoryal na integridad ng ating bansa. Walang ibang hinaharap ang kabataan at mamamayan kung hindi ang papatinding krisis, kahirapan, paglabag sa karapatan at kaligtasan bungsod ng mga panghihimasok na ito. Sa parehong pagkakataon, nais ng rehimeng US-Aquino na pagtakpan nito ang kasulukayang krisis ng lipunang Pilipino. Sa pamamagitan ng pagbisita ng presidente ng imperyalismong US, nais nitong pagtakpan ang korap, kriminal na kapabayaan, pasista, at anti-mamamayang rehimeng Aquino para bigyan ng basbas sa pagpapatuloy ng mga patakaran na ang tanging makikinabang ay ang dayuhan at iilang lokal na naghaharing uri. Higit na tumitindi ang pangangailangan para palakasin ang pagkakaisa ng kabataan at mamamayan para tumindig para sa ating tunay na kalayaan at kasarinlan. Sa ganitong diwa, nilabas ng pambansang komiteng tagapagpagganap ng League of Filipino Students (LFS) ang praymer na ito dahil sa mga sumusunod: 1. magsilbing gabay sa pagpapalawak at pagpapalalim sa ating ating unawa sa agresibong panghihimasok ng US sa bansa at buong Asya-Pasipiko. 2. mailantad at mapatibay ang mga konkretong batayan sa pagyukod ng tutang rehimeng Aquino sa panghihimasok ng US sa bansa 3. mapahigpit ang pagkakaisa ng mga kabataan at mamamayan para sa pagpapalakas ng kilusang masa laban sa tumitinding interbensyon ng US sa bansa

KRISIS NG MONOPOLYO KAPITALISMO ANG PANGUNAHING NAGTUTULAK SA US SA PANGHIHIMASOK SA PILIPINAS AT MGA BANSA SA ASYA-PASIPIKO
Desperado ang imperyalismong Estados Unidos ng Amerika (US) na manatili bilang dominanteng kapangyarihan sa buong mundo. Pilit itong kumakawala sa nararanasang papalalim at papalalang krisis sa pamamagitan ng mga bangkaroteng polisiyang pilit na nagtatanggol sa pagbagsak ng pandaigdigang sistemang monopolyo kapitalismo. Dahil hindi planado ang produksyon at ekonomiya ng sistemang kapitalismo, patuloy ang anarkistang paglikha ng mga produkto at kompetisyon na hindi maiiwasang dumulo sa monopolyo ng iilan. Nakokonsentra sa kamay ng iilang malalaking kapitalista ang puhunan sa industriya at bangko na kanilang pinagsanib. Sa gayon, nakokontrol nila ang buubuong mga industriya at nakakapagtakda ng laki ng produksyon at halaga ng presyo at pautang. Mula rito, madali na lamang sa kanila ang pagdikta sa ekonomiya, pulitika at kultura ng mga pinaka abanteng bansa. Ito ang nabubulok na yugto ng kapitalismo na mas madalas na tawaging imperyalismo. Pagkatapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, tagumpay ang imperyalismong US na mahirang bilang pinakadominanteng kapangyarihan sa buong mundo. Sinamantala ng imperyalismong US ang pagkasalanta ng maliliit at atrasadong mga bansa upang makontrol ang ekonomiya at pulitika para sa pagpapalaki ng sariling ganansya. Sa pamamagitan ng mga kondisyunal na pagpapautang at pagtatalaga ng mga papet na gobyerno, natiyak ng US ang suplay ng mga murang hilaw na materyales at lakas paggawa habang pinapalawak ang kanyang pamilihan para paglagakan ng sobrang kapital at produkto. Sa parehong pagkakataon, tinatag ng imperyalismong US ang mga multi-lateral na mga ahensya tulad World Trade Organization (WTO) para tiyakin ang patuloy na kontrol sa kalakhan ng pamilihan at kalakalan sa buong daigdig Ngunit makalipas ang humigit kumulang tatlong dekada, nagsimula na ang estratehikong paghina ng imperyalismong US. Dumanas ito ng mga matitinding pagtaas sa presyo ng mga produkto, mataas na tantos ng disempleyo, at tigil na pagtaas ng tantos ng pag-unlad sa ekonomiya (stagflation). Gayon din, bigo ang US sa mga gerang agresyon nito laban sa Vietnam at buong Indo-China. Sa tangkang pangibabawan ang kanyang pagbulusok, binalangkas ng imperyalistang US ang neo-liberalismo. Layunin nito na mahawakan ng mga monopolyo kapitalista at oligarkiya sa pinansya ang mas malalaking kapital at oportunidad sa ganansya. Kinatawan ng mga patakarang neo-liberal ang sumusunod: [1] ibayong pagpapababa ng sahod ng mga manggagawa, [2] pagkaltas ng buwis sa mga korporasyon, [3] pagliliberalisa ng pamumuhunan at kalakalan, [4] pagsasapribado ng mga rekurso at serbisyong pampubliko, [5] pagtatanggal ng regulasyon sa mga proteksyong panlipunan at pangkapaligiran, at [6] denasyunalisasyon ng mga ekonomiya ng mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas. Higit na lumalim ang krisis ng imperyalismong US at nasadlak sa kahirapan ang mamamayan dahil sa mga patakarang neo-liberal. Matapos ang isang dekada, lumobo ang utang ng US dahil nakapokus ito sa pagpapaunlad ng mga kagamitan at produksyong militar na nagtulak sa pag-asa sa China at iba pang atrasadong bansa sa Asya para pagkuhanan ng murang mga hilaw na materyales para sa sariling konsumo. Ibayong bumaba ang kakakayahan na bumili ( purchasing power) ng mamamayan, higit lalo sa atrasadong mga bansa dahil sa kaakibat nitong mga pagbabawas ng badyet sa serbisyong panlipunan, pagsasapribado ng empresang pampubliko, at pagpapababa ng halaga ng mga lokal na salapi kontra dolyar. Upang iligtas ang sarili sa lumalalang krisis, tinulak ng imperyalistang US noong unang bahagi ng dekada 90 ang panibagong mga gerang agresyon laban sa Iraq at Yugoslavia. Ngunit hindi pa rin ito sapat para i-sikad ang buong pagahon mula sa kinasadlakang krisis. Sa pagtatangka na alpasan ang krisis, itinulak ng mas nakakatandang Bush ang komersyalisasyon ng teknolohiyang pangimpormasyon (IT). Mula rito ay pinalaganap ng imperyalismong US ang espekulasyon at ang kaakibat na pagpapalobo ng halaga sa pamamagitan ng kathang isip na kapital na kinakailangan para sa IT. Higit na malala, higit na pinalaki ng US ang

pagsandig sa papel ng mga pampinansiyang institusyon at mga instrumento (bonds, stocks, shares, atbp) sa ekonomiya kumpara sa mga industriya na lumilkha ng mga tunay na halaga. Mula rito ay nai-anak ang bula sa IT na isang malaking ilusyon ng pag-unlad sa ekonomiya ng US at ng ibang bansa. Ngunit tulad ng mga bula na madaling pumutok, dumating sa higit na malalang krisis ang Asya noong 1997 at pumutok ang bula ng US sa IT noong 2000. Tinuntungan ito ngayon ng nakababatang Bush para lumikha ng panibagong bula (housing bubble) sa pamamagitan ng pagpapababa ng interes sa pautang at pagpapaluwag sa mga kondisyon nito (monetary easing) habang pinapalaganap ang prinsipyong nagigiit ng personal na responsibilidad sa paggastos sa mga serbisyong panlipunan para bigyan katwiran ang pagbabawas ng badyet at pagsasapribado ng mga ito (ownership society). At muli, kinakailangan sumandig ng US sa kanyang pinaka-maasahang negosyo ang mga gerang agresyon upang isikad ang ekonomiya at paikutin ang pera. Sa panahong ito, ginamit ng imperyalismong US ang insidenteng 9-11 para ikubli ang pakikidigma sa Afghanistan, Iraq, at kalunan ay iba pang kalapit na mga bansa bilang pandaigdigang laban sa terorismo. Pagsapit ng 2008, sumambulat ang higit na matinding krisis sa ekonomiyang dala ng pagputok ng housing bubble at ang kasabay nitong pagguho ng pandaigdigang krisis sa pinansya. Upang sagipin ang sarili, lalo pang pinahigpit ng imperyalismong US, mga kaalyado, at mga mala-kolonya nito ang kalagayan ng mga mamamayan sa buong daigdig. Tinulak nila ang ibayong pagtitipid sa mga serbisyong panlipunan (austerity measures) habang ginagastos naman ang mga pampublikong pondo sa pagbibigay ng tulong kapital sa mga oligarkiyang pampinansya (bail out) at pagtatayo ng mga military industrial complex sa US at iba pang bahagi ng mundo. Naging hungkag din ang pangakong pagbabago ni Barack Obama para sa mamamayan ng US at buong mundo. Patuloy ang pagpapatupad nito ng neo-liberalismo at pagsandig sa espekulatibo at hindi tunay na ekonomyang pampinansya. Sa paglala ng krisis ng US at iba pang mga imperyalistang kapangyarihan sa buong mundo, pilit nitong pinatitindi ang pagpapatupad ang bangkaroteng mga neo-liberal na patakaran sa pamamagitan ng pagsasagad ng pribatisasyon at liberalisasyon ng mga serbisyong panlipunan at rekursong pampubliko, deregulasyon, at denasyunalisasyon ng ekonomiya ng mga atrasadong bansa para ihaon ang kanilang mga sarili sa tumitindi at lumalalim na krisis. Ngunit sa parehong pagkakataon, lumiliit naman ang espasyo ng kanilang pagkakakitaan dahil sa lubos na pagyakap ng Russia at China sa sistemang kapitalismo. Sa harap ng krisis pampinansya noong 2008, naglabas ang China ng mga pautang na wala pang kaparis sa buong kasaysayan ng kapitalismo. Ilang ulit nitong nahigitan ang US sa pagpapa-utang ng mga stocks at bonds kasabay ng para bang walang katapusang espekulasyon sa real estate. Pinalaki rin ng China ang ari-arian ng mga bangko nito ng hanggang US$15.4 trilyon, mahigit na 7 beses na mas malaki sa US. Muli, ang mga ito ay ilusyon ng pagbabago at panandalian lamang. Makikita na ang nagsisimulang pagputok ng isang malaking krisis sa China. Ngayon taon lamang, nagdeklara na ng pangka-bangkarote ng mga korporasyon sa 10 mayor na industriyang pinautang nito at kung gayoy hindi nakapagbayad sa mga pautang. Inaasahan, kahit ng mga eksperto sa ekonomiya ang krisis sa pinansya at ekonomiya na daranasin ng China ngayong taon o di kayay sa susunod. Ang imperyalistang Estados Unidos ang pinaka-sabik sa samantalihin ang bulnerabilidad na ito ng China. Gamit ang American Pacific Century at Trans-Pacific Partnership Agreement nais nitong ipilit ang mga neo-liberal na mga patakaran sa China at ibang bansa sa Asya-Pasipiko habang kinukurdunan at pinapasok ang lumalaking ekonomiya ng China. At para matiyak ang paghahari at pagkakamit ng interes nito sa buong rehiyon, kinakailangan nito ilipat ng imperyalismong US ang 50% ng kanyang pwersang pang-militar at pang-himpapawid at 60% ng pwersang pandagat. Kung gayon, isang malaking kasinungalingan ang sinasabing para sa Pilipinas ang ginagawang panghihimasok ng imperyalismong US. Ang katotohanan ay ang kagustuhan nitong magamit ang Pilipinas para sa kanyang pangekonomiyang interes sa China at sa buong rehiyon.

AMERICAN PACIFIC CENTURY


The future of politics will be decided in Asia, not Afghanistan or Iraq, and the United States will be right at the center of the action Hillary Clinton, November 2011

Pirmis ang kapasyahan ng imperyalistang US na pag-ibayuhin ang pananatili nila sa poder ng pampulitika at pangekonomiyang kapangyarihan sa daigdig sa pamamagitan ng masidhing panghihimasok sa rehiyong Asya-Pasipiko. Hindi ikinakaila ng US ang pagiging sentral ng bansang Pilipinas (kasama ang Japan, South Korea, Australia at Thailand) sa pagtatagumpay ng kanilang mga plano. Ang interes ng imperyalistang US ay nagmumula sa malaking ekonomiya ng buong Asya-Pasipiko kung saan sagana sa mga likas na yaman na maaring pagkunan ng mga hilaw na materyales. Marami rin ang walang trabahong mamamayan na sangkap para sa pagpapababa ng sahod ng mga manggagawa. Sa huli, nanatili ang Asya-Pasipiko bilang isang malaking pamilihan para sa mga sobrang kapital at produkto ng imperyalismong US. Sa madaling sabi, ang rehiyon ay isang malaki at mabilis na pagkukunan ng ganansya para sa pagpapataas ng tantos ng tubo ng US.
100%

Asia in the Global Economy


2009 Regional gross domestic product (share of gross world product)
Source: World Development Indicators, World Bank

Current $

ASIA 21%

North America 21%

European Union 22%

Rest of the World 36%

ASIA 34%

North America 21%

European Union 22%


60% 70%

Rest of the World 23%


80% 90%

PPP $
0%

10%

20%

30%

40%

50%

Esensyal din ang Asya-Pasipiko sa imperyalistang US para sa pagpapababa ng gastos ng produksyon at pagpapabilis ng kalakalan na siyang magpapataas pa lalo ng kanilang tantos ng tubo. Matatagpuan sa rehiyon ang ilan sa mga mayor na daluyan ng pandaigdigang kalakalan. Nasa Asya-Pasipiko rin ang mga mayor na merchandise ports, major shipping routes, at projected shipping routes. Makikita rin dito ang Strait of Malacca na dinadaanan ng 80% ng inaangkat na enerhiya at hilaw na materyales ng China para sa mga higante nitong industriya at manupaktura na esensyal na mahawakan ng US para sa pagkukurdon ng ekonomya ng China. Sa Strait of Malacca din dumadaan ang 1/4 ng kalakalan ng buong mundo. May sinasabing tatlong batayang paninindigan ang programa ng American Pacific Century: First, we have to maintain political consensus on the core objectives of our alliances. Second, we have to ensure that our alliances are nimble and adaptive so that they can successfully address new challenges and seize new opportunities. Third, we have to guarantee that the defense capabilities and communications infrastructure of our alliances are operationally and materially capable of deterring provocation from the full spectrum of state and nonstate actors. Sa madaling sabi, sa ilalim ng American Pacific Century, para lubos na makamit ng US ang inaasam nitong pananatili bilang isang World

Power, susi ang pananatiling papet ng mga gobyerno tulad ng gobyerno ni Aquino. Sa likod ng pangangatwirang ito ay dapat nimble at adaptive, katumbas ito ng pagiging tuta at sunud-sunuran sa mga new challenges and seize new opportunities o sa madaling sabi, mga bagong free trade agreements na ipipilit ng US sa ekonomiya ng mga bansa. Sa huli, nananatiling susi ang pagkakaroon ng pwersang militar na sasalag sa mga matitinding kritiko ng kaisahang ito, state o nonstate actors man. Ang paunang pagsasakatuparan ng American Pacific Century ay una nang inilarga ng US sa pakikisangkot nito sa ASEAN SUMMIT at maging sa APEC SUMMIT noong 2011. Ang pakikisangkot ni Obama sa nakaraang ASEAN SUMMIT sa Jarkarta, Indonesia ay kadugtong ng naunang pakikialam ng US sa pagtitiyak ng seguridad sa akses at pagpalaot sa South China Sea (kung nasaan ang Strait of Malacca) na pinagtalakayan sa ASEAN Regional Forum sa Hanoi noong 2010. Kaakibat ito ang pagkilala ng US na kalahati ng lahat ng merkado na naproprodyus ng buong mundo ay dumadaan sa South China Sea at nais itong kontrolin ng US sa likod ng mga pangangatwirang freedom of navigation. Sa naganap na APEC SUMMIT noong Nobyembre 2011, tiniyak naman ng US na magsisilbi, kapwa ang mga industriyalisado at atrasadong mga bansa bilang mga tagapamandila ng open trade and investment sa rehiyon para sa panghihimasok at kontrol ng US sa kanilang mga ekonomya. Ang mga ekonomiya ng mga bansang kabilang sa APEC ay susi para sa ibayong pagpapalawak sa suporta sa mga sobrang produkto na inilalagak ng US sa rehiyon, gayundin, ang pagsuporta sa mga trabaho sa US. Kaakibat ito ng pagkilala na umabot sa halagang $320B ang halaga ng mga produktong na-eksport ng US sa rehiyon na may katuwang na 850,000 trabaho na nailikha para sa mga mamamayan ng US.

TRANS PACIFIC PARTNERSHIP (TPP)


Ang TPP ay bahagi ng pangkabuuang balangkas ng US sa kanyang American Pacific Century habang inaareglo ang pakiisa ng mas maraming bansa sa ilalim ng World Trade Organization (WTO). Sa maikli, ang TPP ay pagtitipon ng mga ekonomiya sa Pasipiko tungo sa isang trading community. Isang mukha ito ng pagpapasidhi ng free trade sa pagitan ng mga bansa sa Asya-Pasipiko sa pamumuno ng siyam na pangunahing bansa Australia, Brunei Darussalam, Chile, Malaysia, New Zealand, Peru, Singapore, Vietnam at ng Estados Unidos. Sa patuloy na balangkas ng neo-liberal na globalisasyon, ang TPP ay pagpapaigting ng kalakalan at pamumuhunan ng mga pangunahing mga imperyalista at kapitalistang bansa para gatasan ang mga atrasadong bansa katulad ng Pilipinas ng lahat ng tipo ng rekurso nito. Pinakatampok dito ay pagpapabilis at pagpaparami sa mga nakukuhang likas na yaman (natural resources) at lakas-paggawa (human capital) sa pamamagitan ng pwersahang pagtatanggal ng mga natitirang mga proteksyon para sa lokal na industriya. Kasabay nito ang pagsusulong ng finance liberalization o mabilis na paglabas-pagpasok ng pondo pangkapital mula sa ibat ibang bansa na mas kilala sa tawag na hot money sa balangkas ng conditional lending sa dikta ng International Monetary Fund-World Bank (IMF-WB). Labis din na binibigyan nito ng kapangyarihang pampulitika ang mga multi-nasyunal (MNCs) at trans-nasyunal (TNCs) na mga korporasyon sa pamamagitan ng Investment-State Dispute Settlement (ISDS). Sa ilalim nito, binibigyan ng karapatan ang mga MNCs at TNCs ng mga kapangyarihan na sampahan ng kaso ang gobyerno kung hindi gaganansya ang kanilang negosyo. Pinagbabawalan din ang mga lokal na gobyerno na magpasa ng mga batas na hindi nila sinasang-ayunan. Papahinain rin ang produksyon ng mga generic na mga gamot habang tataas naman ang halaga ng mga gamot dahil sa mga probisyon para sa Intellectual Property Rights. Kabilang rin dito ang ibayong pagsasapribado sa paghahayupan at mga bagong binhi at ibang halaman, diagnostic at therapeutic hanggang surgical methods sa mga panggamot sa hayop at tao. Gayon din, magagamit ito para sa pagpapahigpit ng kontrol sa agrikultura para sa kapikanabangan ng US at mga kaalyadong imperyalistang bansa. Higit na bababa ang sahod ng mga manggagawa, lalala ang kalagayan ng paggawa, dadami ang pagtapak sa karapatang pantao, higit na masisira ang kalikasan, at lolobo ang kaso ng pagpapaalis sa tirahan ng mga katutubo, ng magsasaka sa kanayunan, at maging sa kalungsuran.

Sa mga nakaraang ASEAN at APEC Summit, ipinagmalaki ng US ang napagtibay nitong free trade agreement sa bansang Korea na nais nitong maging padron sa bansang Pilipinas at iba pang bansa sa rehiyon. Nakalahad sa Korea-US Free Trade Agreement ang sagad-sagaring pagtatanggal ng taripa sa 95% consumer and industrial eksport ng bansang US sa loob ng limang (5) taon na nangangahulugang paglikha ng 70,000 trabaho para sa mga Amerikano. Mula sa ganitong kalakaraan nagaasam ito na maitataas ang halaga ng American exports hanggang sa halagang $10B na may katumbas na pagtaas ng ekonomiya ng South Korea hanggang 6%.

ASSOCIATION OF SOUTH-EAST ASIAN NATIONS (ASEAN) INTEGRATION 2015


TInulak ng imperyalismong US ang pagbubuo ng ASEAN bilang isang ahensya na magtitiyak ng kanyang mga patakarang neo-liberal partikular sa pinagnanasahan nitong rehiyon ng Asya-Pasipiko. Kaya naman isa pang hiwalay na daluyan ng US ang ASEAN para itulak ang pagpiga ng sobrang ganansya para sa sarili. Bilang bahagi ng estratehikong pagdidiin ng imperyalismong US sa rehiyon, tinulak ng US sa mga miyembrong bansa ng ASEAN ang INTEGRATION 2015 na nagnanais na gawin ang rehiyon bilang isang komunidad na dominante at kontrolado ng US. Sa likod ng pagpapailalim ng integrasyon ng mga bansang kasapi ng ASEAN, nais gawin ng imperyalismong US ang buong rehiyon bilang isang malaking paggawaan ng kanyang mga produkto na may espasyalisasyon sa bawat antas ng produksyon sa bawat bansa. Sa ganitong paraan, napapababa ng US ang gastos nito sa produksyon habang tumataas ang tantos ng tubong kinakakailangan para sa kanyang sariling ganansya. Sa ilalim ng economic blueprint ng ASEAN integration 2015, nais nitong alisin ang mga taripa at non-tariff barriers para sa pagpapabilis ng kalakalan ng US na sa esensya ay lubos na pagtatanggal ng restriksyon sa pagpasok ng imperyalismong US sa buong rehiyon para sa mas mabilis na dayuhang pamumuhunan. Pinabibilis din ng ASEAN integration ang pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon (Kto12, Academic calendar shift), pabahay, pangkalusugan, atbp. Kung gayon nangangahulugan ito ng pagpapababa ng sahod, pagliliberalisa sa mga serbisyong pampubliko na dapat ay responsibilidad ng gobyerno, pagtataas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan bungsod ng pribatisasyon, paggahasa sa kalikasan at pagtapak sa patrimonya, at ibayong pagpapatibay ng export-oriented import-dependent na ekonomiya ng Pilipinas na magbubungsod ng ibayong kahirapan at mas malalang krisis panlipunan.

ANG PHILIPPINE DEVELOPMENT PLAN (PDP) SA PADRON NG TPP AT PAGSUSULONG NG AMERICAN PACIFIC CENTURY SA PANGUNGUNA NI AQUINO.
Para padulasin ang mga dikta ng imperyalismong US sa bansa, tinulak ng rehimen ni Aquino ang Philippine Development Plan kung saan pinartikularisa nito ang planong lalong pagbubuyanyang ng ekonomiya ng bansa sa lalong panghihimasok ng dayuhang mangangalakal at kapitalista sa bansa. Ang PDP ang nagsisilbing economic blueprint ng rehimen ni Aquino, at sa ilalim nito, pangunahing isinusulong ang Public Private Partnerships (PPP) at Conditional Cash Transfer (CCT) bilang mga flagship na pang-ekonomiyang programa ng gobyerno. Naglalayon itong pataasin ang ating Gross Domestic Product (GDP) hanggang sa 7-8% habang nakakapaglikha ng 1M trabaho kada taon mula 2011-2016. Sa unang tingin, dalisay at maganda ang layunin ng PDP, pero kung kikilatisin, ninais ito maisakatuparan sa ilalim ng pagtatangi sa mga sumusunod: [1] industriya ng turismo, [6] logistics, [2] business process outsourcing, [7] shipbuilding, [3] mining, [8] housing, [4] agribusiness, [9] electronics, at [5] forest-based insdustries, [10]infrastructure.

Sa kawalan ng batayang industriya ng bansa, ang paglago ng ekonomiya ay nakabatay sa mga pamumuhunan na ipapasok ng mga dayuhang kapitalista at mangangalakal sa bansa. Ang masahol pa dito, nakabatay ang pag-unlad sa panggagahasa ng ating likas na yaman para sa pagpapasidhi ng oryentasyong export-oriented at import-dependent ng ating ekonomiya. Pinadudulas ng PPP ang panghihimasok ng mga pribadong kumpanya at kapitalista sa bansa. Sa katunayan, ito ang pagsasakatuparan ng mga patakarang neo-liberal ng imperyalistang US. Ginagamit ang PPP ni Aquino upang pagtakpan ang kanyang maniobra sa pagpapasa sa pribado ang ibat ibang serbisyong panlipunan at mga batayang pangangailangan na dapat binibigay ng gobyerno. Sentrong layunin nito na bigyan ng higit na pagkukuhanan ng sobra at hindi mauubusang tubo ang mga dayuhan habang naipwepwesto ang sariling kita ng mga lokal na malalaking kapitalista. Habang pinasisikad ang ekonomiya sa pamamagitan ng PPP, gusto tiyakin ng gobyerno na unti-unti nitong maaapula ang galit at kumakalam na sikmura ng mamamayan sa pamamagitan ng Conditional Cash Transfer (CCT) na sa esensiya ay pagpapatuloy lamang ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) ni Arroyo. Aktibo itong naghahanap ng mga beneficiaries na bibigyan ng pandandaliang kaginhawaan (immediate relief) sa pamamagitan ng kaunting pera o limos, kung tutuusin. Ito ay pagmamaniobra lamang ni Aquino mula sa tahasang pagtalikod nito sa pagbibigay ng batayang serbisyo sa mamamayang kanya dapat pinagsisilbihan.

CHARTER CHANGE: PAGPAPATINDI NG DAYUHANG DOMISNASYON SA EKONOMIYA


Upang tapat na tumugon sa imbitasyon ng imperyalismong US sa Pilipinas na makasama sa TPP at sa panawagan ng pagsasagad ng neo-liberal na mga patakaran sa bansa, mabilis na niraratsada ng rehimen ang Charter Change (ChaCha). Pebrero ng taon na ito nang simulan iratsada ang ChaCha sa Kamara na ang layunin ay palitan ang probisyon sa konstitusyon kaugnay ng protesksyon sa pambansang ekonomiya at patrimonya para paboran ang imperyalismong US, mga kaalyadong bansa, at mga lokal na malalaking kapartner na kapitalista. Pilit na tinatago ng tutang rehimeng Aquino ang mapaminsalang hangarin ng imperyalistang US at mga kroni nito sa pamamagitan ng di-umanoy simpleng paglalagay lamang ng katagang unless otherwise provided by law sa ilang bahagi ng konstitusyon. Kabilang sa mga probisyon na lalagyan ng ganitong pahayag ay ang mga sumusunod: [1] seksyon sa pambansang patrimonya hinggil sa restrikyon sa dayuhang pag-aari ng lupa, [2] restriksyon sa dayuhang pag-aari ng mga korporasyon, [3] restriskyon sa dayuhang pag-aari ng mga pampublikong yutilidad tulad ng kuryente, tubig, atbp, [4] restriksyon sa dayuhang pag-aari ng mga paaralan, [5] eksklusibong pag-aari ng mass media ng mga Pilipino, at [5] restriskyon sa dayuhang pag-aari sa negosyo ng advertising. Sa madaling sabi, higit na ibukas ang ekonomiya sa control at dominasyon ng mga dayuhan. Sa pamamagitan ng unless otherwise provided by law, nagkakaroon ng pambihirang kapangyarihan ang Kongreso na palitan ang mga probisyon ng konstitusyon, kabilang ang mga kaugnay ng pambansang patrimonya at ekonomiya, kailanman nila naisin nang hindi na nangangailangan ng isang constituent assembly o constitutional assembly. Wala ring pagtatanggi ang mga nagsusulong ng chahca sa kanilang adhikaing pahintulutan ang 100% pag-aari ng mga dayuhan sa lupain, negosyo, at mga rekursong pampubliko at serbisyong panlipunan sa Pilipinas. Kahit sa mismong pagdinig ng Kamara, todong pagtutulak ang ginawa ng ibat ibang mga ahensya ng imperyalista tulad ng American Chamber of Commerce, Joint Foreign Chambers, European Chamber of Commerce of the Philippines at Makati Business Club sa pangangailangan ng todong pagbubukas ng ekonomiya ng Pilipinas sa pagpasok ng foreign investments at pagaari ng mga dayuhan sa patrimonya ng bansa.

TAKTIKANG PANG-MILITAR NG US SA ASYA-PASIPIKO


Noong September 2001, bago pa ang September 11, isinaad na ng gobyernong Bush sa kanyang strategic defense review na: The Pacific should now be the most important focus of the US military deployments, with China perceived as a principal threat to American global dominance Batay sa naturang estratehiya, ang oryentasyon ng US sa kanyang depensang pang-militar ay tungo sa pagpapalakas ng forward stationed and deployed forces (pwersang militar na nakadeploy sa mga base labas sa US o saan-man malapit ang tinaguriang banta o kaaway ang US). Sa oryentasyong ito pinalakas ng US ang kanyang forward deterrence forces at pagpapahusay sa forward combat and expeditionary forces upang mas mabilis na sugpuin ang banta ng kanyang mga kaaway (Quadrennial Defense Review of US, September 2001). Bagaman nahatak ang US sa gyerang agresyon nito sa Afghanistan at Iraq, noong 2006 tinatayang 60% ng submarino ay itinalaga na sa Pasipiko at nakaporma ang anim (6) na air-carrier ng US. Noong Enero 5, 2012 muling naglabas ang US ng US Defense Strategic Review 2012 ng gobyernong Obama at Pentagon na pinamagatang Sustaining US Global Leadership: Priorities for 21st Century Defense. Sinasabing mayor na dokumentong pang-estratehiya ito na inilabas sa gitna ng Quadrennial Defense Review 2010 at susunod na rebyu sa 2014 na naglayong sagutin ng US ang [1]nakikitang banta ng US sa kanyang hegemonya dahil sa lumalakas na pang-ekonomyang kapangyarihan at impluwensya ng Tsina; [2] pagtitipid sa gastusing-militar sa gitna ng US $15trillion na pagkakautang (tinatayang US$1 trillion ay nagastos lamang sa gyera nito sa Afghanistan); [3] at pagpull-out ng tropa nito sa bigong giyera sa Iraq at Afghanistan na ikinamatay ng mahigit 6,000 sundalo ng US habang pinapanatili ang tutok sa mga pangunahing interes ng US sa mga rehiyon ng mundo. Ayon sa estratehiya ng US may 10 key military missions na bibigyang diin kabilang na rito ang [1] counter-terrorism and irregular warfare; [2] deter and defeat aggression; [3] project power despite denials to military access (sa pamamagitan ng undersea/submarines, joint operational access ng kaalyado nito, pagpapaunlad ng stealth bombers and missile defense); [4] operate effectively in space and cyberspace; [5] counter WMDs; [6] maintain effective nuclear deterrent; [7] defend homeland (US); [8] provide stabilizing presence abroad (rotational deployment at pagpapaunlad ng ally-deterrence capacity sa pamamagitan ng bilateral and multi-lateral training exercises); [9] conduct stability and counter-insurgency operations (sa pamamagitan ng koalisyong militar at pag-iwas sa matagalang operasyong militar tulad ng sa Iraq at Afghanistan);at [10] humanitarian and emergency missions. Batay din sa mga analisis, nasa direksyon ang US ng pagpupulido ng kanyang Sea-Air Battle Doctrines kung kaya nakikita na hindi maapektohan sa pagtitipid nito ang badyet pang-militar ang badyet sa US Air Force, US Navy and US Special Forces. Anuman ang pagpapaigting ng US ng sentimyentong anti-China, hindi pa din maikakaila na US pa din ang may pinakamalaking budget pang-militar sa mundo. Ang US$ 662 target na badyet pang-militar ng US noong 2013 ay walangdudang higit pa din sa pinagsamang badget ng 10 bansang may pinakamalaking badget pang-militar sa mundo.

US MILITARY PIVOT TO ASIA


United States future military strategies in the future will be dependent on use of militarily overwhelming power of US Air Force, US Navy and US Special Forces. Hence these forces do not see any reductions but may see enhanced investments. Primaryang layunin ng bagong estratehiyang ng US ang inutralisa ang Tsina kaya tinatalaga nitong may strategic shift at rotational deployment sa Asya-Pasipiko, habang nagpapatuloy itong nakakasa at mabilis na makakatugon saan man may banta at panganib sa interes ng US. Sa ilalim ng US Pivot plano nito na ilipat ang 60% ng naval force ng US papunta sa rehiyon: -11 aircraft carriers with attached strike groups; all the world's supercarriers and all but one of its twelve nuclear-powered carriers. (France has the other.) All eleven US supercarriers are the largest warships ever built. -61 guided missile destroyers -22 guided missile cruisers, all part of or can be upgraded to join the Aegis Combat System, the US worldwide interceptor missile program -72 submarines (18 ballistic and 53 attack models) -24 frigates -9 amphibious assault ships -7 amphibious transport docks -12 dock landing ships, -four littoral combat ships and scores of other vessels. Sa kasalukuyan, mayroon limang ka-alyadong bansa ang imperyalismong US sa rehiyon na may mga mutual defense treaties. Ang mga ito ay Australiam Japan, Pilipinas, South Korean, at Thailand. Sa pamamagitan ng mga kasunduan nito sa mga nabanggit na bansa, nais nitong palakasin ang kanyang kapangyarihang pang-militar sa rehiyon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga base-militar. Sa isang artikulong lumabas sa Wall Street Journal noong Pebrero 1, 2012 inihayag nito na: The new strategy would assign specific US-based army brigades and marine expeditionary units to different parts of the world, where they would travel regularly for joint exercises and other missions using permanent facilities and forwardstaging bases that some advisers call lily pads. Marines, for example, would use a new forward-staging base in Darwin as a launch pad for SouthEast Asia, while Washington is in talks to expand its military presence in the Philippines--- both of which are signals to China that the US has quick-response capability in Beijings backyard

Ang pag-aalis ng tropa ng US sa Japan ay ililipat lamang sa Australia (mula 250 tungo sa 2,500 na itatalaga sa base ng Australia sa Darwin) at iikot sa Pilipinas at Hawaii. Inihayag din kumakailan ang kasunduan ng US at gobyerno ng Australia ng pagbubukas sa tropa ng US sa North West Cape (Harold E Holt military base sa Exmouth, West Australia) kung saan itatayo ang US Space Surveillance Network sensors (maliban pa sa Pine Gap na eklusibong baseng-paniktik ng US sa Southern Hemisphere simula 1975). Gayon din, sinigurado ng US na makukuha nito ang taktikal na pwesto ng Jeju Island sa South Korea maglagay ng kapangyarihang pang-militar na malapit sa mga tinuturing na hadlang sa kanyang hegemonya (China, Russia, North Korea). Pinapalakas din ng US ang alyansang militar sa India bilang pangunahing katuwang sa pagroronda sa Indian Ocean malapit sa South China Sea, at sinusuhayan ang pagpapaunlad ng nukleyar na kagamitang-pandepensa nito. Susi sa pagtitipid ng US at kasabay na pagpapanatili ng hegemonyang pang-militar ang pagpapaunlad ng mga kasunduang militar sa mga kaalyado nito sa Asya-Pasipiko at mga bansang mala-kolonya tulad ng Pilipinas. Hanggat maari, ginagamit ng US ang iskemang inter-operationability upang yakagin ang iba pa nitong mga kaalyado sa mga operasyong militar nito o sa mga multi-lateral na ehersisyo. Ginagawa ito ng US upang pagmukhain na mutwal na interes ng mga bansang nayakag ang ibinubungad na interes ng US sa mga operasyong ito, at ikutan ang ilang mga ligal na balakid at mga protesta.

KONTRA-INSURHENSIYANG PROGRAMA NG US SA BALANGKAS NG COUNTERINSURGENCY GUIDE AT OPLAN BAYANIHAN NI AQUINO


Isa sa 10 key missions ng balangkas ng gawaing militar ng US ang patuloy na pagsupil at pagtugis mga insurhensiya saan man sa daigdig. Dahil dito, mapagpasyang ibinalangkas ng US Counterinsurgency Guide o mas kilala bilang US COIN Guide. Sa sagad-sagaring pagpapakatuta ng gobyerno ng Pilipinas, pinagpatuloy ni Aquino ang mga naunang bigo na kontrainsurhensiyang programa ni Arroyo (Oplan Bantay Laya 1&2), niretoke at pinangalanang Oplan Bayanihan (OpBay). Mula sa pangalan nito, nais nitong ipamandila na tulad ng diwa ng bayanihan, nagtutulungan ang lahat ng mamamayan kasama ang mga pwersa ng militar para sa pag-unlad ng bayan. Nais nitong baguhin ang berdugong reputasyon ng reaksiyunaryong pwersa ng militar ng gobyerno, at sa halip, sila ay dapat ituring bilang mga tagapagtanggol ng mga batayang karapatang pantao. Malinaw na ang OpBay ay walang pinagkaiba sa OBL 1 & 2 ng nakaraang rehimen. Naglalayon itong sugpuin at tugisin ang rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan, mga taga-suporta nito at mga sumisimpatya sa kilusan na ito sa pamamagitan ng paggamit ng kapwa soft at hard na mga pamamaraan at binabale-wala ang ugat ng tunggalian.

Nakabalangkas sa ilalim ng soft approach ang paglulunsad ng mga medical missions, livelihood trainings at projects, pamamahagi ng mga Conditional Cash Transfer (CCT), literacy programs at peace and development outreach programs para di umano (to) win the peoples hearts and minds. Sa kongkreto, kinatatangian ito ng pagkakaroon ng mga humanitarian mission na katumbas na mga socio-civic na gawain para gamiting pamamaraan para sa pagsasarbey sa mga komunidad, pagmamapa ng mga progresibong grupo, pagmamamanman o pag-iispiya para sa pagpapatuloy ng kampanyang psywar at represyon na pangunahing tungkulin ng mga binuong Community Organizating for Peace and Development (COPD) na aspeto nito. May katumbas din ang mga nabanggit na hard approach sa pamamagitan ng tahasang violence and suppression ng mga batayang karapatang pantao. Bahagi nito ay pamumuwersa sa mga mamamayan na (1) pumirma sa mga dokumentong nagpapahayag ng kanilang pagbabalik-loob sa gobyerno, (2) pag-iimbita sa mga susing lider ng mga pinaghihinalaang grupo para sa interogasyon na may kaakibat na tortyur, (3) witch-hunting o pagtugis sa mga hinihinalang taga-suporta at sumisimpatya sa rebolusyonaryong kilusan ng masa. Sa pamamagitan nito, malayang nakakapangdahas ang rehimen Aquino katuwang ang mga pwersang militar imperyalismong US upang maghasik ng takot at tumbasan ng dahas at pasismo ang paglaban ng mamamayan para sa demokratikong mga karapatan at interes. Sa katunayan ay mahigit 180 biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang, 18 bagong kaso ng desaparasido, 80 kaso ng tortyur, at 168 na assassination attempts ang biktima ng rehimeng US-Aquino. Pinapatindi pa nito lalo ang paglabag sa karapatan pantao ng AFP sa pamamagitan ng mga ayudang militar mula sa imperyalismong US na umaabot na humigit kumulang US$80 milyon para susugan ang pagpapatupad ng OpBay sangayon sa balangkas ng US COIN. Gayon din, ang higit na pagpapasok ng mga pwersang militar ng US sa bansa ay higit na nagpapalabo sa pag-usad ng usapang pangkapayaan sa pagitan ng gobyerno at mga grupong naglulunsad ng armadong pakikibaka. Nasa layunin ang rehimeng US-Aquino na sugpuin ang mga grupo na ito kahit pa masangkalan ang mga sibilyang mamamayan at iba t ibang mga ligal na organisasyon. Ibig sabihin, walang balak ang sabwatang US-Aquino na resolbahin ang ugat ng armadong tunggalian at pakinggan ang mga panawagan ng mga grupong piniling tumangan ng armas.

PAGGAMIT NG MGA KASUNDUAN PARA SA HIGIT NA PAGPAPALAKAS NG PWERSANG MILITAR NG US SA BANSA


Tusong ginagamit ng imperyalistang US ang mga kasunduan na pinapasok ng gobyerno ng Pilipinas upang paigtingin ang panghihimasok ng mga tropang militar at mga kagamitang pandigma nito sa loob ng bansa. Pagkatapos matigil pansamantala ang joint military exercises sa pagitan ng mga taong 1992-1998 dahil sa pagpapatalsik ang base at tropang Amerikano at pagbasura ng US-RP Military Bases Agreement noong 1992, pilit itong binalik ng imperyalismong US sa pamamagitan ng pagpirma ni Estrada ng Visiting Forces Agreement (VFA) noong Mayo 27, 1999. Ang VFA ay ang ligal na batayang ginagamit ng papet na gobyerno ng Pilipinas upang pahintulutan ang pagpasok mga tropang militar ng Amerika sa ating bansa. Sa gitna ng napakalakas na protesta, bingi-bingihang pinatupad ang VFA kahit pa itoy labag sa Konstitusyon ng Pilipinas at nagwawalang bahala sa lahat ng tagumpay ng mamamayan sa kilusan sa pagpapaalis ng tropang Amerikano sa bansa. Upang mailusot ang BALIKATAN noong 2001, ikinakatwiran ng gobyernong Arroyo na kailangan diumano ito upang imodernisa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at upang maging handa sa anumang panlabas na banta o pananalakay sa bansa. Itinuturo ng gobyerno ng Pilipinas na ito ay bahagi ng Mutual Defense Treaty (MDT) na nilagdaan noong 1951 sa pagitan ng US at Pilipinas.

Ikinatwiran din ng administrasyon ni Bush at Arroyo na kailangan ang Balikatan Exercises upang masugpo ang kriminal na grupong Abu Sayaff Group (ASG) sa Basilan, Mindanao na sa katotohanan ay bahagi ng giyerang agresyon ng US na nagkukunwaring giyera laban sa terorismo. Nilagdaan din ang Mutual Logistics and Support Agreement (MLSA) sa pagitan lamang ni Gen. Diomedio Villanueva na chief of staff ng AFP at Adm. Dennis Blair bilang commander-in-chief ng USAF Pacific Command. Ito ay upang suhayan ang mas matagal na pananatili ng tropa ng US at ang walang sagkang paggamit ng mga pasilidad-pangmilitar sa Pilipinas. Upang maiwasan ang papalakas na protesta, pinalabas ng rehimeng US-Arroyo na itoy isang arrangement lamang at hindi labag sa Konstitusyon ng Pilipinas na nagbabawal sa permanenteng presensya ng dayuhang militar, at mga dayuhang kagamitang pandigma sa bansa. Sa katunayan, ang MLSA ay bagong pangalan lamang ng Acquisition and Cross Servicing Agreement (ACSA) na hindi naipasa dahil sa matinding protesta ng mamamayan sa gobyernong Ramos. Ang mga makaisang-panig na mga kasunduang itoVFA, MLSA na nakatuntong sa MDT sa pagitan ng Pilipinas at US ay ipinagpapatuloy ng gobyernong Aquino. Sa kasalukuyan, may tinatayang 600 US Special Forces sa Camp Navarro sa Zamboanga. Walang kontrol ang AFP sa Camp Navarro sa loob ng Joint Special Operations Task Force-Philippines (JSOTF-P) Headquarters na nagmimistulang bagong base ng US sa bansa. Ipinagbabawal din ang pagpasok ng sundalong Pilipino at kahit na inspeksyon ng gobyerno ng Pilipinas sa mga kagamitan at pasilidad-militar ng US na nakalagak dito. Mayroon din halos 8,000 na miyembro ng USAF na nagiging pirmis na bilang ng mga rotational na pwersang militar na mananatili sa bansa para sa ibat ibang tipo ng mga pagsasanay. Sa paggamit ng salitang rotational nais pagtakpan ng US at gobyerno ni Aquino ang panghihimasok, pananatili at pakikibahagi ng mga elemento ng USAF sa gawaing militar sa bansa. Isang kabalintunaan din ang pahayag ni Aquino at US na walang permanenteng base sa bansa. Madulas na nagagamit ang VFA para magkarooon ng permanenteng pasilidad at opisina ang mga sundalong Amerikano sa loob ng mga kampo ng AFP sa ilalim ng Cooperative Security Locations (CSL) at Forward Operating Sites (FOS). Ang naunang tipo ay naitala noong 2009 na nakadestino sa loob ng Camp Aguinaldo at mayroon namang mga FOS sa Camp Navarro sa Zamboanga City gayundin sa Cotabato City at Basilan. Bukod pa ito sa mga nauna ng naitalang base ng USAF sa bansa simula pa lang taong 2000. Mapanlinlang naman na ginagamit ng imperyalistang US at papet na gobyerno ni Aquino ang tensyon sa West Philippine Sea upang bigyang-katwiran ang papalaking mga BALIKATAN Exercises. Maging ang pagsalanta ng bagyong Yolanda ay sinamantala para bigyan katwiran ang pagpasok ng mga naglalahikang sasakyan pandigma ng US at paparaming mga tropang militar sa bansa. Ayon sa mga biktima ng Yolanda, trinasporma na ng US ang ilang bahagi ng Leyte bilang kanilang base militar habang naglulungsad ng mga pagsasanay militar. Samakatuwid, isang gimik propaganda lamang ang sinasabi nilang pagtulong sa relief at rehabilitasyon at ang totoong layunin ay higit na pasukin ang basa.

100 90 80 70 60 50 40 30 20 10 0

Naval Port Visits/ Dockings, (Bayan)


88 72 51 54

Sa ginanap na Strategic Defense Dialogue sa pagitan ng Pilipinas at US, patraydor na pumayag si Aquino sa kasunduan para sa pangmatagalan at mas maramihang deployment ng tropang Amerikano, at pagbubukas ng pasilidad, air at naval space ng Pilipinas para sa kagamitang pandigma ng US. Noong nakaraang taon lamang, natala ang sagad-sagaring panghihimasok ng US sa pamamagitan ng 197 na port calls at 444 American Aircraft na pinapayagan sa ibat ibang airports sa bansa. Isa rin sa 80 barkong pandigmang naglalabas-pasok sa bansa, ang USS Guardian, ay sumadsad sa Tubbataha Reef dahil sa pagbabaliwala sa mga batas at polisiya sa bansa.

2010

2011

2012

2013 (Jan-June)

US-PH AGREEMENT ON ENHANCED DEFENSE COOPERATION: PAGPAPASIDHI NG INTERBENSYONG MILITAR NG US


Minadaling matapos ng tutang gobyerno ni Aquino ang US-PH Agreement on Enhanced Defense Cooperation (AEDC), dating Framework Agreement on Increased Rotational Presence and Enhanced Defence Cooperation (FA-IRPEDC), bago ang nakatakdang pagbisita ni Obama sa bansa. Sinasabi ng imperyalismong US at ng rehimeng Aquino na batay ang AEDC sa mga dati nang napagkasunduan ng PIlipinas at Amerika kaya naman hindi na kinakailangan ang pagsang-ayon ng Senado. Dinadahilan nila na ito ay implementasyon lamang ng VFA at MDT kaya sapat na idaan na lamang ang kasunduan sa pagitan ng ehekutibo. Sa ilalim ng kasunduan na ito, nais ng US na dagdagan ang pwersang militar na itatalaga sa Pilipinas at gawing lehitimo ang pananatili ng mga ito sa loob ng bansa. Bukod ditto, binubukas ng bagong kasunduan ang lahat ng mga pasilidad ng AFP-PNP sa buong bansa maging ang dating base-militar sa Clark at Subic para buong laying magamit ng mga tropang Amerikano. Ibig sabihin, papabilisin at ililigalisa ng kasunduan na ito ang pagtatayo ng mga base at pasilidad pang-militar ng imperyalismong US sa bansa na maaring gawing himpilan ng kanilang tropa at mga sasakyan isang lantarang pambabastos sa tagumpay ng mamamayan na mapaalis ang dating base ng US sa bansa. Hindi pa nakunteto, nagpapagawa pa ang imperyalismong US sa pamamagitang ng gobyernong Aquino ng mga bago nitong base militar. Isa na rito ang pagtatayo ng mini-subic sa [1] Oyster Bay, Palawan 550 km layo mula sa Maynila, na magsisilbing daugan ng mga barkong pandigma ng US. Ang iba pang lugar na tinatayuan ng base militar para sa imperyalismong US ay ang mga sumusunod: [2] Ulugan Bay sa Palawan, [3] Capas sa Tarlac, [4] Guian sa Eastern Samar. Nabalita rin noong Marso 14 ang pagtatayo pa sa [5] Maynila, [8] Nueva Ecija, at [6] Clark, [9] La Union. [7] Cebu, Sa ilalim ng pagtatakda ng operational safety and security consideration nagkakaroon ng kapangyarihan ang US ang pagkontrol sa mga pasilidad at base militar na mga nabanggit. Inaasahang hindi malayong mangyari sa mga tinatayong base militar ng US ang nagaganap sa mga CSL, FOS, at JSOTF-P kung saan pinagbabawalan ang pagpasok ng AFP at kahit mismo ng gobyerno ng Pilipinas. Sagad sagarin din ang paglabag ng panibagong kasunduan na ito sa soberanya ng bansa. Sa ilalim ng probisyon sa prepositioning, mapapahintulutan ang pag-iimbak ng kagamitang pandigma ng US sa bansa kahit walang kapangyarihan ang gobyerno ng Pilipinas na impeksyunin ang mga ito. Magiging parang taga-bantay o security guards lamang ang mga Pilipino sa kagamitan pandigma ng US. At kung gayon, mas magiging madali ang pagpasok ng mga armas nukleyar at iba pang weapons of mass destruction sa ating bansa kahit pa lumalabag ito sa ating mga lokal na batas. Wala rin taning ang kasunduan na ito at maaring maging bukas na kasunduan katulad ng VFA. Higit na na nagiging mapanganib ang naturang kasunduan lalo pat nanatiling walang pangil ang ating gobyerno upang pagbayarin ang mga kasalanan ng mga tropang militar ng imperyalismo sa bansa. Walang nakukulong na mga sundalo kahit pa man hindi maikakaila ang pagpaslang sa mga mamamayan, paggahasa sa kababaihan, paglabag sa mga karapatang pantao, pagsira sa kalikasan, at iba pang kasalanan at kasamaan.

MGA TAMPOK NA PAGLABAG SA ILALIM NG MGA KASUNDUANG-MILITAR SA PAGITAN NG US-PILIPINAS


Sa ilang dekada na paglabas-masok ng mga tropang Amerikano sa bansa, maraming tampok na tala ng paglabag ang nagawa nito na nagpapatunay ng panggagahasa nito sa soberanya at patrimonya sa bansa na papalalain ng mga panibagong kasunduan na sinusulong ng imperyalismong US. Pananalanta sa Seguridad at kabuhayan dahil sa mga base-militar ng US Abril 18 2012, isang araw mula sa pagsisimula ng BALIKATAN sa ilalim ni Aquino, namatay si Ahbam Juhurin habang dinala sa ospital ang kanyang bente anyos (20 years old) na anak matapos bumangga ang kanilang fishing boat sa isang speedboat na may sakay na mga tropang Amerikano. Pauwi na matapos ang isang araw ng pangingisda sina Juhurin matapos ang pangyayari. Mariing itinanggi ng Embahada ng US at ng West Mindanao Command ng AFP na ang aksidente ay bahagi ng dinaraos sa BALIKATAN exercises sa lugar. Ang ganitong pahayag ay isang malaking kabalintunaan dahil ang lugar ng pangyayari ay nagsisilbing tahanan sa JSOTF-P o mga miyembro ng US Marines, Air Force, Navy, at mga espesyal na pwersa na kolektibong bumubuo sa US Pacific Command na nakadestino sa Zamboanga. Panggagahasa sa mga Kababaihan Sa ilalim ng VFA walang ngipin ang Konstitusyon ng bansa para sa paglilitis sa mga kaso ng tropang Amerikano tulad ni Lance Corporal Daniel Smith sa panggaggahasa kay Nicole taong 2005. Hindi nailagay sa kustodya ng Pilipinas si Smith sa kabila ng sinampang kaso sa kanya, sa halip, tampok ang naging special treatment nang ito ay inilipat mula sa Makati City Jail at itinago sa Embahada ng US. Ang sagad-sagaring pagpapakatuta at pakikipagsabwatan ng rehimeng US-Arroyo ay nagdulot ng paglalabas ng affidavit si Nicole na bumabali sa unang testimonya nito ng panggagahasa ni Smith. Sa katunayan, bunga ito ng panlilinlang ng kampo ni Smith, kung saan abogado nito mismo ang naglabas ng nasabing affidavit. Hanggang ngayon, nananatiling walang ngipin ang naunang desisyon ng Korte Suprema na labag ang pagkakanlong ng Embahada ng US kay Smith. Inaasahan natin ang pagdami ng mga kaso katulad ng kay Nicole, katuwang ng pamamayagpag ng industriya, di umano, ng prostitusyon sa bansa dahil sa bawat lugar kung saan nakatindig ang mga base ng Amerikano ay may karatig itong mga red-light district na nakakasulasok na bahagi ng rest and recreation na balangkas ng mga tropang Kano na nasa bansa. Mga tala ng pagpatay at paglabag sa karapatang-pantao Sa huling tipon na tala ng paglabag ng BAYAN (2009), tampok din ang mga kaso ng pamamaril kay Buyung-Buyong Isnijal sa Basilan, pangmamasaker sa tatlong sibilyang Moro sa Tawi-Tawi, pamamaslang at pamamaslang kay Arside Baharon sa Zamboanga City. Disyembre 2010, ilan buwan matapos ang inagurasyon ni Aquino, anim na mamamahayg ang binantaan ng mga tropang Amerikano dahil sa pagkuha ng mga video footage sa mga pasilidad sa ilalim ng VFA. Kung babalikan pa nga ang mga kasalanan sa paglabag sa karapatang pantao lalo na noong panahon na nasa bansa pa ang base militar ng US, hindi matatapos ang ating paglilista. Isa nang pinakatampok rito ang walang abog na pagbabaril ng mga sundalong Amerikano sa isang batang katutubo habang namumulot ng mga tirang bakal sa base-militar sa US. Dahil nananatiling walang ngipin ang Konstitusyon ng bansa sa pagpapanagot sa mga Tropang Amerikano na nagkakasala habang nanatili sa bansa, nanatiling walang hustisya sa mga napaslang. Magpapatuloy ang panganib sa kabuhayan ng mga mamamayan at kaakibat ng panggagahasa sa mga kababaihan kasabay ng pamamayagpag ng red light district sa mga nakatindig ng mga base ng Tropang Amerikano sa ibat ibang panig ng bansa. Lahat ng ito ay nasa

aktibong pakikisabwatan ng rehimeng US-Aquino at mga lokal nay unit ng gobyerno sa mga lugar kung saan naroon ang mga base ng Amerikano. Pagpapalipad ng mga Unmanned Aerial Vehicles (UAVs) o Drones Binuo ng US ang kanyang Drone Program bilang bahagi ng kanyang pagtitipid mula sa di maampat na paglaki ng kanyang utang at budget deficit. Sa pamamagitan ng panghihimasok sa aerial space ng mga bansa, mapapanatili ng US ang kanyang pampulitika at pang-militar na kapangyarihan saan mang panig sa daigdig. Kaya naman, ayon kay Leon Panetta, dating US Secretary of Defense, madaragdagan ang mga drones na pinapalipad ng US mula 65-85 para matiyak ang kanilang presenya sa buong daigdig.

Abril 2012, sumingaw ang balita na ang bombing sa Sulu ay dulot ng mga drones na pumapahimpapawid sa bansa. Itinanggi ito ng AFP at sinabi na smart bombs at hindi drones ang ginamit sa pagkapaslang sa isang ASG Commander, 2 Southeast Asian terrorists, kabilang ang 12 pa. Inamin naman ni Aquino na pumayag ang gobyerno sa pagpapalipad ng mga drones sa bansa sa layunin ng mga reconnaissance flights (para makapagmasid, makapagmanman, para magsurvey ng isang erya o mag-espiya), pero mariiing tinututulan ang drone air strikes dahil kahit kailan hindi pinapayagan makisama sa combat operations ang mga tropang Amerikano. Enero 2013, natagpuan sa karagatan ng Masbate ang isang US drone. Muli, kinakaila ng embahada ng US na ang drone na ito ay ginamit sa operasyon sa loob ng bansa. Nakakatwang dinahilan pa nito na ang drone na ito ay inanod mula Guam kung saan naganap ang Valiant War Games 2012 kung saan kasama mismo sa layunin ng pagsasanay na ito ang pagpapalakas ng pwersang militar sa Asya Pasipiko. Tulad ng isang mahusay na tuta, tinanggap ni Aquino ang ganitong paliwanag kahit pa malayo sa katotohanan na madala ng alon ang drone na ito mula sa kabilang panig ng daigdig. Mula sa report ng New America Foundation, isang independyente at non-profit think tank sa US, dalawa sa bawat sampu (2 out of 10) nang namamatay dahil sa drones attack ay mga sibilyan o mga simpleng mamamayan na napagkakamalan. Ipinagmamalaki ni Obama na ang paggamit ng drones ay less intrusive dahil nakataya ito sa mga aktwal na target, pero sa katunayan, maituturing na mas mapanalanta ito. Ngunit sagad sa buto ang pagkatuta nito. Hindi lamang iniiwasan ni Aquino ang paliwanag sa natagpuan na drone, kung hindi sadya pa nitong tinatago ang katotohanan sa mamamayan. Mula mismo sa US Government Accountability Office, makikita sa larawan na ang Pilipinas ay naging bahagi ng US Drone Acquisition Program. Ibig sabihin ay lihim na bumili ang gobyerno ni Aquino ng Drone mula sa US. Kung ilan, magkano, at para saan ay nanatiling misteryo sa kasalukuyan.

Panganib ng Nukleyar at Kemikal Paulit-ulit ang pagpasok ng mga mga kagamitan pandigma ng imperyalismong US na may kargang mga armas nukleyar kahit pa lantarang pinagbabawal ng gobyerno ng Pilipina. Ilan sa mga ito ay ang pagdaong ng isang nuclear-carrier warship at nuclear-powered submarine na USS North Carolina noong Mayo 14, 2012 at June 28, 2012; pagdaong ng nuclear attack submarine USS Hawaii at ng nuclear-powered supercarrier na USS George Washington. Bukod dito, mayroon din nakatambak sa paligid ng dating base-militar sa Subic at Clark na mga kemikal, lead at ibang heavy metal, langis, at mga di sumabog na bomba. Kaya naman, 144 na taong tumira sa loob ng base-militar pagkatapos umalis ng tropang Amerikano ang namatay dahil sa mga sakit na may kinalaman sa pagkalason tulad ng kanser. Pagsira sa Kalikasan Isa sa mga labas-pasok na barkong pandigma ng US, ang USS Guardian, na dumaong sa Subic ng 15 Enero 2013 upang kumuha ng mga panibagong suplay at magkarga ng langis ay sumadsad sa Tubbataha Reef pagkaraan ng ilang araw. Ayon sa Management Office ng Tubbataha National Park, ilang beses nag radyo ang mga ito sa USS Guardian dahil wala itong permit na pumasok sa naturang erya ngunit arogante lamang itong nagpatuloy at kahit pa man na sumadsad na ay armadong tinaboy ang mga park rangers ng Tubbataha. Pagkatapos ng mahigit isang taon, hanggang ngayon ay hindi parin nababayaran ang mga nasira ng tropang Amerikano at hindi napapanagot ang may kasalanan. Gayon din, ang paulit-ulit din ang pagtatambak ng mga toxic wastes sa mga karagatan ng Pilipinas particular sa Subic Bay. Hindi rin napapanagot ang US sa ganitong paglapastangan sa ating kalikasan. Iba pang kasalanan at panganib Sa pamamagitan ng interbensyon sa ekonomya at ugnayang panlabas ng Pilipinas, patuloy ang pagkamkam ng lupa at pagpapaalis sa mga katutubo at ibang magsasaka sa kanilang mga tirahan dahil sa mga mining at planting companies na binabantayan ng mga tropang Amerikano. Gayon din, nagagamit din ang mga neo-liberal na patakaran ng imperyalismong US sa pagdedemolis ng mga kabahayan sa kalunsuran para itayo ang mga gusali at pasilidad ng mga pribadong kompanya.

BAKIT DAPAT LABANAN ANG PAPAIGTING NA PANGHIHIMASOK NG US SA ATING BANSA?


Ang rehimeng Aquino ay garapal na sa pagpapakatuta sa imperyalistang US. Dahil sa tumitinding krisis pang ekonomiya sa bansa, higit na nagmamanikluhod ng pabor at suportang militar si Noynoy upang pagtakpan ang kanyang antimamamayan, marahas, maka-dayuhan at maka-imperyalistang gobyerno. Upang malabanan ang imperyalismong US at ang papaigting na interbensyon nito sa ating bansa, kailangang tuluy-tuloy na magmulat sa hanay ng kabataat estudyante at mamamayan. Dapat nating ipaintindi at maipakita ang kaugnayan ng patuloy na pagkubabaw ng imperyalismong US sa patuloy na pagpapanatili ng gobyerno sa kahirapan, pagsasamantala sa mamamayan at paglabag sa ating demokratikong mga karapatan. Susing maikawing rin ang mga isyu ng pasismo, burukrata-kapitalismo, at pyudalismo sa imperyalismo. Ang imperyalismong US ay walang kasingrahas at napatunayan ito mismo sa ating kasaysayan. Mula 1899 hanggang 1904 ay madugong sinupil ng imperyalismong US ang mamamayang Pilipino na lumaban sa direkta nitong pananakop. Halos 1/7 ng buong mamamayang Pilipino ang minasaker ng tropang Amerikano at ibinandila sa buong mundo na ang kanilang pagsakop sa Pilipinas ay bahagi ng benevolent assimilation. Ang direktang kolonyalisasyon at epektibong estratehiya ng US sa pagsaklot ng kamalayang ng mamamayang Pilipino gamit ang edukasyon ay kakambal lamang ng marahas at mapang-aping pagkontrol sa ekonomiya, pulitika, militar at kultura ng bansa.

Ngunit mahalaga ring sariwain ang naging kasaysayan ng paglaban ng mamamayang Pilipino sa kolonyalismo ng imperyalismong US, ang mahabang pagpupunyagi mula First Quarter Storm hanggang sa pagpapabagsak ng pasistang rehimeng US-Marcos ng 1986, pagpapatalsik sa mga baseng militar sa bansa noong 1991, at patuloy na paglaban sa panghihimasok at pagbalik ng paparaming mga tropang militar ng US. Katulad ng malalaking pagkilos ng mamamayan na nagdulo sa pagpapatalsik ng mga baseng militar sa Subic at Clark, ang sama-sama, militanteng pagkilos upang igiit ang kasarilan at labanan ang tropang mapanghimasok ng US ay magtitiyak ng tagumpay. Halimbawa nito ang mga inilunsad na protesta at caravan na nilahukan ng libu-libong mamamayan sa kampanyang Ban Balikatan 2009 sa Bicol. Matagumpay na napalayas ang mga tropa ng US habang naglulunsad ito ng diumanoy humanitarian mission na isang tabing sa kontra-insurhensyang operasyon ng US kasama ang tropa ng AFP. Dapat na hubaran ang mga kasinungalingan ng gobyernong Aquino sa kasunduan sa gobyerno ng US para sa pagdadag ng tropang militar at ilantad ang totoong motibo ng US sa papaigting na panghihimasok sa Pilipinas.

ANO ANG MGA DAPAT NATIN GAWIN?


Kailangang ilantad, labanan at ihiwalay ang papet at reaksyonaryong gobyernong US-Aquino sa pagpapakatuta at pagtataksil sa mamamayan. Dapat ay magrehistro ng pagtutol at nprotesta sa bisita ni Obama sa Pilipinas at Asya upang singilin ang kasalanan ng sabwatan nila ni Aquino sa mamamayan. Kinakailangan natin ang ang malakas na pagtutol sa US-PH Agreement on Enhanced Defense Agreement na nagpapanubalik sa base militar ng imperyalismong US at nagpaparami ng permanenteng tropang Amerikano. Higit na kinakailangan na matuntungan ang usapin na ito upang ikasa ang mga kampanyang nagpapanawagan sa pagbabasura ng MLSA, VFA, at MDT. Dapat tayong tumindig sa patuloy na interbensyong militar ng US sa pamamagitan ng mga lumalaking ayudang militar, pagsasagawa ng paniniktik, tuwirang paglahok sa mga operasyong militar sa bansa na nakakubli sa pagsasanay para magamit ang mga suportang lohistikal, pagbobomba sa kanayunan, at iba pang mapaminsalang operasyon. Palawakin at patatagin natin ang ating pagkakaisa laban sa sinusulong na Charter Change upang biguin ang higit na panghihimasok ng imperyalismong US sa ekonomya at politika ng bansa. Bahagi ito ng pakikipaglaban natin sa mga neoliberal na hakbangin ng US tulad ng Trans-Pacific Partnership na ibayong magsasadlak sa kabataan at mamamayan sa mas matinding kahirapan at malalang krisis. Gayon din, kinakailangan kinakakilangan natin tumindig para sa patrimonya ng ating bansa. Marapat lamang tutulan ang ibat ibang mga pagpasok ng plantasyon ng goma, oil palm, pinya, at saging maging ang mga pagmimina ng black sand, ginto, zinc, carbon, at iba pang yamang mineral sa bansa. Kaugnay nito, dapat buong lakas natin tutulan ang mga tangka sa pribatisasyon, deregulasyon, liberalisasyon, at denasyunalisasyon higit lalo sa pamamagitan ng PPP ng rehimeng US-Aquino. At para sa pagtindig para sa sarili, kinakailangan iwaksi ang ekonomiyang nakabatay sa eksport-import at nakasalig sa panlabas na mga kalagayan. Dapat igiit natin ang ating pangangailangan para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon at biguin ang mga hakbangin ng rehimen na tutulan ang mga ito. Dapat natin Ipagtanggol ang pambansang soberanya, patimonya, at teritoryal na integridad ng Pilipinas mula sa panghihimasok tulad ng posturang agresibo ng Tsina at higit lalo laban sa panghihimasok ng US. Walang ibang makakapagtuldok sa ating mala-kolonyang oryentasyon ng lipunang Pilipino kung hindi ang PambansaDemokratikong Pakikibaka na may Sosyalistang Perspektiba para iwaksi ang dominasyon ng dayuhan sa ekonomiya, pulitika, kultura, larangang militar, at ugnayang panlabas.

Susi sa ating tagumpay ang pagparami ng mga diskusyon, pulong-masa at mga pagtitipon upang talakayin ang papatinding agresyon ng imperyalismong US para isagad ang panghihimasok bansa. Kinakailangan balikan ang mga aral ng kasayasayan para mapagtagumpayan ang ating laban sa kalayaan at kasirinlan. Pakilusin at organisahin ang malawak na mamamayan upang ilantad, labanan ang pagdagdag ng tropang militar sa bansa at biguin ang panganib ng isang armadong agresyon ng US sa ating bansa. Maaring maglunsad ng mga caravan, protesta at ibat ibang tipo ng mga aksyon. Magbuo ng malawak na alyansa ng mamamayan laban sa pananatili ng tropa ng US sa bansa. Paghusayin na maikawing ang mga alyansang kontra-base, kontra-interbensyong militar, at mga patriyotiko at makabayang indibidwal at grupo sa isang malapad na alyansa. Sa partikular, ang KABATAANG PATRIOTIKO, ang alyansa ng kabataan laban sa tropa at panghihimasok ng US. Pasiglahin at pag-alabin ang diwang makabayan ng kabataan at mamamayan sa pamamagitan ng pagbabalik-aral sa kasaysayan, pagpalaganap ng mga makabayang mga awit, dula, sining-biswal na magbubuklod sa pinakamarami upang labanan ang interbensyon ng imperyalismong US.

OBAMA OUT! OUST AQUINO! NO TO RETURN OF US BASES! US TROOPS OUT NOW! LABANAN ANG IMPERYALISTANG PANGHIHIMASOK SA PILIPINAS AT ASYA! LABANAN ANG IMPERYALISTANG GIYERA AT PANDARAMBONG! IBASURA ANG VFA, MDT, MLSA, AT ENHANCED DEFENCE COOPERATION AGREEMENT! LABANAN ANG PAKANANG CHARTER CHANGE! PH NOT FOR SALE! IPAGTANGGOL ANG PAMBANSANG PATRIMONYA! LABANAN ANG IMPERYALISTANG PANDARAMBONG! IMPERYALISMO, PYUDALISMO, BURUKRATA KAPITALISMO IBAGSAK! IPAGLABAN ANG PAMBANSANG KALAYAAN AT DEMOKRASYA!
MGA SANGGUNIAN:
Kilusang Mayo Uno. Marso 2012. Tropang Kano, PALAYASIN!Praymer hinggil sa iskemang paramihin at patagalin ang mga Tropang Kan o sa Pilipinas. Sustaining U.S. Global Leadership: Priorities for 21 st Century Defense. Inilabas ng Department of Defense, United States of America. Re-ordering of Priorities in the new US defense strategy. http://www.bbc.co.uk/news/world-16435174, January 5, 2012. Mark Twain on Phil-Am War, 113 yrs. Ago, At Ground Level column by Satur Ocampo. February 4, 2012, Pilippine Star. Praymer sa VFA, BAYAN. April 2009. http://www.bayan.ph/site/2009/04/praymer-sa-vfa/ Oplan Bayanihan for Beginners, KARAPATAN. January 2012. US Troops already basin in PH, BAYAN. April 2012 Labanan ang dagdag na tropang Kano at panghihimasok-militar ng US sa Pilipinas! Ibasura ang VFA at MDT, BAYAN. April 2012 Padilla, A. Obamas dreaded drone war arrives in PH. Retrieved from http://arnoldpadilla.wordpress.com/2012/04/02/obamas-dreaded-drone-war-arrives-in-ph/. Retrieved March 2012. Pimentel, J. Fil-Am commander of US warship makes goodwill visit to Philippines. Retrieved from http://globalnation.inquirer.net/25183/fil-am-commander-of-us-warship-makesgoodwill-visit-to-philippines. Date accessed: 26 March 2012 Gomez, J. Government using smart bombs for first time vs Abu Sayyaf. Retrieved from http://globalnation.inquirer.net/30355/government-using-smart-bombs-for-first-time-vs-abu-sayyaf. Date accessed: 26 March 2012. US Government Accountability Office, US Drone Acquisition Program http://www.thenation.com/blog/178453/how-us-aid-fosters-human-rights-violations-philippines# Abril 2014 Memo Hinggil sa Kampanyang Anti-imperyalista, BAYAN Ipagtanggol ang Pambansang Soberanya at Kasarinlan, LFS, July 2013 Praymer Hinggil sa Pagbabalik ng US Military Bases, ANAKBAYAN, Marso 2014 US TROOS OUT NOW primer, LFS-INS, Abril 2012 Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino

You might also like