You are on page 1of 2

Mga karaniwang tanung ukol sa Sexual Harassment.

Sexual Harassment (RA 7877)

Q: Ano ang sexual-harassment?


A: Ang sexual harassment ay ang sapilitang paghingi, paghiling o pag-uutos at iba pa, ng sekswal na
pabor mula sa iba, ito man ay tanggapin/pagbigyan o hindi ng biktima, na nanggagaling sa employer,
manager, supervisor, ahente ng employer, guro, instruktor, propesor, coach, tagapagsanay, o sinumang
may kapangyarihan, impluwensiya, o moral na awtoridad sa iba sa loob ng trabaho o lugar ng pag-aaral o
pagsasanay.

Q: Saan at kailan may sexual-harassment sa ilalim ng R.A. 7877?


A: Ang sexual harassment ay nagaganap lamang sa loob ng trabaho at lugar ng pag-aaral o pagsasanay.
Limitado ito sa may relasyong employer-empleyado, guro-estudyante o sa pagitan ng sinumang may
moral na awtoridad at sa biktimang nasa pangangalaga niya sa loob ng nasabing mga kondisyon o
kapaligiran.

Q: Sino ang maaaring lumabag sa anti-sexual harassment law?


A: Sinumang direktang magsagawa ng mga ipinagbabawal na akto, babae man o lalaki ay maaaring
maparusahan sa ilalim ng batas. Gayundin, sinumang humikayat o tumulong sa iba na isagawa ang mga
nasabing akto ay maaari ring managot sa batas.
Q: Paano nagaganap ang sexual harassment sa lugar ng trabaho?
A: (1) Ang sekswal na pabor ay ginagawang kondisyon sa pagtanggap sa trabaho ng isang aplikante o
pananatili ng isang empleyado sa kanyang trabaho, o di kayay sa pagkakaloob ng sahod o anumang
benepisyo at pribilehiyo, o kaya naman ay ang pagtanggi sa sekswal na pabor ang sanhi ng
diskriminasyon sa trabaho at pagkabawas o tuluyang pagkawala ng mga oportunidad sa trabaho.
(2) Ang sexual harassment ay nagdudulot ng paglabag sa mga karapatan ng empleyado sa ilalim ng
batas sa paggawa
(3) Ang mga akto ng sexual harassment ay nagbubunga sa isang hindi komportableng sitwasyon sa
biktima
Q: Paano nagaganap ang sexual harassment sa lugar ng pag-aaral o pagsasanay?
A: (1) Laban sa biktima na nasa pangangalaga, kustodiya o superbisyon ng offender
(2) Laban sa biktimang ang pag-aaral o pagsasanay ay ipinagkatiwala sa offender
(3) Kung ang sekswal na pabor ay kondisyon upang bigyan ang biktima ng pasadong marka, parangal o
scholarship, allowance at anupamang benepisyo o konsiderasyon
(4) Kung ang sekswal na pabor ay nagbubunga sa isang hindi komportableng sitwasyon sa biktima
Q: Ano ang kinakailangang gawin ng employer o head of educational at training institution ayon
sa R.A. 7877?
A: (1) Magtakda ng proseso upang imbestigahan ang mga kaso ng sexual harassment.
(2) Bumuo ng CODI (Committee on Decorum and Investigation) na tatanggap ng mga reklamo patungkol
sa sexual harassment.
Q: Maaari bang magsampa ng hiwalay ng kaso ang biktima maliban sa imbestigasyon ng CODI?
A: Oo. Karapatan ng biktima na makahingi ng ibang legal na remedyo kung nais nya sa pamamagitan ng
hiwalay na kasong kriminal sa korte.
Q: Ano ang parusa sa paglabag sa batas ng sexual-harassment o R.A. 7877?
A: Ang anumang paglabag ay maaaring maparusahan ng pagkakulong ng hindi bababa sa isang (1)
buwan at hindi lalampas ng anim (6) na buwan o kayay multa na hindi bababa sa sampung libong
(10,000) piso at di lalampas sa dalawampung-libong (20,000) piso, o di kayay parehong pagkakulong at
multa, sa diskresyon ng korte.

You might also like