You are on page 1of 4

KALIMOT

ni PILO

Kung ang paglimot ay isang kabastusan sa alaala. Napakabastos kong tao.


Titi mo lamang ang di mo nakakalimutan, palibhasa nakakabit, patapon sa
hanging ibinubulyaw ni Nanay sa tuwing bumabalik ako sa bahay upang hanapin
ang nakalimutan kong ID.
Ayaw kong isiping burara ako, nakakainsulto. Kaya mas iniisip kong
makakalimutin lang talaga ako.
Noong 4th year college ako, apat na ID ang naipagawa ko para lamang
makasunod sa patakarang NO ID, NO ENTRY. Kung hindi, hindi ako makakapasok ng
gate, hindi ako makakapag-exam at makakapagpasa ng requirements, hindi ako
makakagraduate. Pero kahit gaano ko suyuin ang isip ko, maraming beses pa rin
akong tinatraydor ng pagiging makakalimutin. Salitan kong ginagamit ang apat na
ID at minsan ay sinusuksok nang sabay-sabay sa ibat ibang bulsa; bulsa sa bag;
bulsa sa pantalon; bulsa sa polo; at isang naka-lace. Bago pa magtapos ang
semester, nawala na ang dalawa. Madalas pa rin akong maharang sa gate dahil
wala akong ID. Nakalimutan na naman sa bahay. Pero kahit may ilang libong
estudyante sa eskwelahan, kilala na ako ng mga gwardiya kahit walang ID at kilala
ko na rin sila dahil wala akong ID.
Yong mga ballpen na sinalvage ko, patawad. Ilang daang HBW ballpen na
siguro yon. Ilang ulit na rin akong tinanong. Pano ka pumapasok nang walang
ballpen? Simple lang, pumapasok ako, sa pinto madalas. Sa school, pwede kang
makapasok nang walang ballpen, pero hindi ang walang ID. Lahat ng mga ballpen
na yon, hiniram ko lang sa hindi na mabilang na taong nagtiwala sa aking
kakayanang magdispose ng ballpen. Madalas isang beses ko lang magagamit ang
ballpen, pagkatapos non parang kinuha ng alien na walang bakas kung saan o kung
paano ko nalimutan.
Kung hindi dahil sa photoshop, wala akong maipapakitang resibo kay Nanay.
Hindi ko kayang mag-ingat ng resibo. Nagkukusa at mabilis silang mawala at mas
nagtatagal pa ang pantal. May mga subjects na requirement na ipakita ang resibo
sa finals. At INC ang grade ko sa mga yon.
Nakakapogi raw ang may wallet kasi mukhang may pera. Maraming beses
kong sinubukang maging pogi. Ibat ibang wallet depende sa kung ano ang uso.
Nang mauso ang mahahabang wallet ng lalaki na singhaba ng Hersheys, agad
akong bumili. Nang mauso ang wallet na tinatalian ng kadena, agad akong bumili.
Mukha akong gangster na butiki. Nang mauso ang hand-made na pitaka na yari sa
ibat ibang wrapper ng gatas, kape, at tsokolate. Agad din akong bumili at agad ding
nawala. Tinangay siguro ng langgam o ng garbage truck. Hindi pa rin pala talaga
nagtatagal sa akin ang pagiging pogi. Mas nauuna pang mawala ang wallet kaysa
sa mga tighiyawat ko noon.
Hindi nakagraduate si Kuya ng Associate Degree sa kursong HRM dahil
nalimutan ko kung saan ko huling isinalpak ang USB Flash Drive niya. Siya rin
nalimutan niyang gumawa ng back-up copy. Kahit ilang ulit akong magtae ng
patawad at pasensiya, hindi na niya maipapasa ang mga requirements na nakasave doon. Kinalimutan na lang namin yon. Kung patuloy naming pag-aawayan

yon, hindi niya maaabyad ang mga dokumento para siya ay makaluwas papunta sa
ibang bansa para magtrabaho. Sana hindi niya makalimutang magpadala.
Naisip kong baka may damdamin din ang mga ID, ballpen, resibo, wallet,
flash drive na gaya ng damdamin ng mga mahahalagang tao na aking
nakakalimutang batiin sa kanilang kaarawan. Baka katulad din sila ng taong
nagtatampo sa tuwing nakakalimutan. Baka tulad ko rin silang takot malimutan. O
baka gusto nilang matandaan ko sila mula sa kanilang pagkawala. Katulad ng kung
paano binubuhay sa alaala ang taong namamatay. Makapangyarihan talaga ang
isip, kaya nitong bumuhay ng patay at pumatay ng buhay sa pamamagitan lamang
ng paglimot at pagaala-ala.
Sa pagtagal, kinalimutan ko na rin ang maghanap. Gustuhin ko mang maging
kolektor ng sari-saring bagay, patuloy ko lamang silang nakakalimutan. Siguro
malabnaw ang paraan ng aking pag-iingat. Iisipin ko na lang na may naiipon din ako
ang mga nakalimutang gamit at alaala ay nasa isang tagong silid lamang ng aking
isip.
Wala akong malay sa petsa kaya may sarili akong kalendaryo. Weekdays
kung magigising ako sa mga kantang Ang Bayan Ko, Ang Pipit, Calabarzon, at
Lupang Hinirang ng mga elementary student sa tapat ng aming bahay. Sabado na
kung alas otso pasado na ako magising at Linggo kung walang ulam sa lamesa.
Basta kapag may mahabang patlang na nakatapat sa Date, hindi ko na sinusulatan.
At anong malay ko kung sinong may birthday, kung kailan ang mga monthsary at
anniversary. Ang akala nila kapag may mga minamarkahang araw sa loob ng isang
lingo, isang buwan, o isang taon ay espesyal at hindi na malilimutan. Hindi nila
namamalayan na sa mga araw na yon, saka lang nila nararamdamang silay
nabubuhay.
Pinipilit nilang kontrolin ang takbo ng panahon sa pamamagitan ng
pagbibilang ng oras, araw, at taon. Para bang hinahabol na lang palagi ng deadline,
kaya lahat nagmamadali, nauupod maghintay sa araw na hindi dapat makalimutan.
Nagtatagpo lamang ang mga balintataw sa tuwing sasapit ang hindi dapat
makalimutang araw. Nakakalimutan na ang dapat ipagdiwang ay ang araw-araw.
Ang Magandang araw/umaga po.
Masaya ang taong nagdidiwang ng birthday araw-araw. Malungkot ang taong
nakakaramdam ng pagkabuhay isang beses sa isang taon. Tayo ay sabay-sabay na
niluluma ng panahon, kaya ituring lamang na ang bawat minuto, ang bawat
paghinga, ang bawat hakbang ng mga paa na para bang iyon na ang huling oras.
Gastos lang yong handaan. Makakalimutan din naman ang lasa ng ispagetit fried
chicken pero hindi ang inutang na panggastos sa handaan.
Ka-burgisan ang birthday, monthsary, at anniversary. Sa relasyon, putol ang
daliri ko sa pagbibilang. Hindi ko alam kung kailan ko siya nakilala pero alam ko
kung paano kami nagkita. Hindi ko siya nakilala sa iisang araw, buwan o taon dahil
araw-araw ko siyang kinikilala. Kung magtapos ang relasyon bilang magkasintahan.
Marami pang relasyon na pwedeng pagsamahan. Magkaaway; Magkaibigan (pa rin);
Magkataasang-kilay; Magkangitian; Magkaapiran; Magkaparausan. Anong silbi ng
bilang kung walang pinagsamahan at pagsasamahan. Pinagmumukha lang nitong
expired ang isang tao sa isip, at maging sa gawa. Kaya hindi ko na bibilangin ang
araw at gabi para matandaang kami ay magkasama pa. Alam ko darating din ang
araw na makakalimutan ko kung paano ko siya unang tiningnan at may gabing
malilimutan kong siya ang dapat kong katabi.
Kailan nagwawakas ang isang relasyon? Walang tiyak na panahon, kusa na
lang namamaalam ang damdamin nang hindi namamalayan. Gigising na lamang

isang araw, estranghero siya at hindi na siya bahagi ng plano mo sa buhay. Parang
sa isang iglap, nakalimutan mong mahal mo siya.
Palagi akong may ganong pakiramdam. Pilit kong hinahanapan ng katwiran
at ginagalugad ang mga dahilan sa mga in-between ng aming pagsasama.
Nakalimutan ko na talaga kung paano ko siya minahal o kung gaano o kung bakit.
Nang sabihin kong gusto ko nang makipaghiwalay, tumutol siya. Ang relasyon ay
ipinagpapatuloy hindi dahil sa matagal na ang pinagsamahan, kundi dahil may
dahilan pa para ito ay magpatuloy, dahil ito ay may patutunguhan pa bukod sa
dahilang may pagmamahal. Siguro nga hindi ganon kadaling intindihin ang mga
sinabi ko sa kaniya. Unang nobya ko siya at sa kaniya ko unang narinig na gusto
niya akong makalimuta, na sana hindi na niya ko nakilala pa. Gusto kong bawiin
niya yong sinabi niya dahil babawiin ko na rin ang sinabi ko. Mas masakit pala
yong alam mong kakalimutan ka na kaysa sa hindi mo namalayang nakalimutan ka
na. Ganon naman talaga siguro, kailangan din talagang matutuhan ng tao kung
paano lumimot para bumuo ng panibagong alaala. Kung walang paglimot, wala rin
sigurong pag-usad. Mananatiling nagdidildil sa iisang sandali.
Kung ang alaala ay parang isang kalaro na umaalis at bumabalik. Sa bawat
pagdating, ay may galak, sa pag-alis ay may sugat. Minsan masayang maging taya,
minsan hindi. Sa larong tagu-taguan, matutulalala ka na lang kung sa paghahanap
mo malalaman mong lahat sila umuwi na. Sa usapang pagkabata, akoy tulala. Baka
totoo talagang sa pagiging bata, wala ang muwang. May mga pamilyar na lugar,
pamilyar na usapan, at mga kababata pero nandoon din ang pakiramdam na akoy
nagkaedad nang walang naganap. Hindi kagaya ng pinsan ko. Natutulala lang ako
sa pagkukuwento niya. Kayang-kaya niyang idetalye ang pinaggagawa naming
noong mga bata pa. Kabisado niya ang bawat hilatsa ng pangyayari. Kung paano ko
itinapon ang binigay niyang relos na nalalagyan ng candy sa loob dahil hinipan niya
raw ang kandila sa birthday cake ko sa araw na hindi ko na birthday. Lahat ng
pinasiyalan namin, kaya niyang isa-isahin, manila zoo, mga kainan sa daan, mga
punong inakyatan, mga kalsadang sumugat sa tuhod at palad, at ibat-ibang pahina
ng kabanata ng pagiging bata. Siya yon, hindi ako. Nagtataka na ako. Hindi kaya,
hanggang ngayon bata pa rin talaga siya? O ako ang tumatandang walang
pagkabata? Kung meron man, iilan ang matatandaan. Malungkot siguro ako noon at
masaya siya. Kaya siguro kayang-kaya niyang balikan lahat ng meron noon kasi
masaya. Ako kaya?
Isang araw ay nilapagan na ako ni Nanay ng tatlong makakapal na album.
Napagod kasi siyang sumagot sa mga tanong ko tungkol sa aking kabataan. Naging
project sa subject na Euthenics ang magsulat ng essay tungkol sa pagkabata,
lalakipan ng mga litrato. Ang daming picture ng birthday ng pinsan ko. Napansin ko
ring palagi akong nasa gilid na parang nananakot na tiyanak na may ngiping hugis
ng mga banderitas tuwing piyesta at dalawang maitim na pangil sa magkabilang
tabi. Ayon ka! Naka-neck tie at jumper! Ayon ka! Naka-polo. Masayang tinuturo ni
Nanay isa-isa ang mga litrato. Halos kaunting usog lamang sa lente ng maniniyot ay
mawawala na ako sa picture. Napansin ko ring ang mga damit na suot ko ay ang
mga damit ng aking pinsan na suot-suot sa mga mas lumang litrato. Hindi ko alam
kung alin ang akin, alin ang galing sa kaniya. Isa pa, sa dinami-rami ng litrato ng
birthday ay wala akong nakitang cake na may pangalan ko. Hindi yata napiktsuran
yong kinekwento ng pinsan ko. Baka hindi talaga ako mahilig sa cake nong bata. O
baka walang pera panghanda sa birthday ko nong akoy bata. Pero may cake ang
mga kapatid ko. Hindi nga lang talaga pati praktikal kung ipagdidiwang pa ang

birthday ko dahil isang araw lang at isang hatinggabi, Bagong Taon na at lahat ng
nangyayari, sa pakiramdam, ay palaging bago.
Pagiging makakalimutin ko na lamang ang hindi bago. Muntik pa akong
magilitan ng leeg dahil sa nakalimutan ko ang daan ng patungo at pauwi. Madali
akong maligaw dahil ang mga diretso at liko ng mapa ay parang bisita lang na
nagmemerienda at agad ay aalis. Isang dahilan din ay dahil gabit madilim. Iilang
poste lamang ng ilaw ang tanglaw sa daan at dalawang lalaki lang ang makikitang
kumikibo bukod sa anino ng mga puno. Habang minumukhaan ko ang daan at pilit
na ginagawan ng bakas, may dumidila na palang talim sa aking leeg. Mula sa aking
likuran mabilis na dinakma ng isang matangkad na lalaki ang ulo ko na halos ikabali
ng aking gulugod at isinandal niya ang aking bunbunan sa kaniyang dibdib na para
akong isang contortionist na nakakurba ang likuran sa hangin. Mabilis ang
pangyayari. Isang kisap, wala na ang cellphone ko. Isang kurap, wala na ang maliit
kong bag na may lamang limang daan. Mabilis pa sa kindat na nawala ang mga
lalaki tangan ng motorsiklo. Nilamon ako ng dilim. Isang palaisipan sa akin kung
paano ko ibablotter ang nangyaring insidente. Nginatngat ng takot sa isip ko ang
mga mukha ng lalaki. Hindi ko alam kung paano ilalarawan at kung ano ang plaka.
Ganon pa man, kahit gaano kapurol ang isip ko sa pag-alala, matalim ang
memorya ng pakiramdam, ng emosyon. Sa tuwing mag-isa akong maglalakad sa
mga hindi pamilyar na lugar, sa mga kalyeng mas marami ang nag-aabang kaysa sa
nagtatanod na poste ng ilaw, nauulit ang pakiramdam. Ipinapaalala ng aking
pandama at ng aking katawan na kung meron akong hindi dapat makalimutan, yon
ay ang iligtas ang sarili sa kapahamakan.
Mahal ko ang sarili ko para hayaang mapahamak at magdusa. Lahat naman
ng tao unang minahal ang sarili bago ang iba. Ang mga magnanakaw na yon,
mahal din nila ang sarili nila para hayaang mamatay nang dilat sa gutom. Sa labis
na pag-iisip na mailigtas ang sarili sa pagdarahop, makakalimutan mo na ang ibang
tao at ang maging mabuting tao. Nagagawa ang pandaraya, ang pagnanakaw, ang
pagiging sakim at ganid, ang hindi pagiging makatao. Siguro nga, hindi nalalayo
ang pakiramdam ng pagiging mahirap sa pakiramdam ng nalilimutan na ng lipunan.
Maiksi ang memorya ng tao at maikli ang gunita ng bayan. At may ilang gagawa na
lamang talaga ng mali, wag lamang makalimutan.
Ano mang oras, pwede akong mamatay, malagutan ng hininga, maglaho na
parang mga HBW ballpen, mawala sa mundo, liparin ng hangin na parang resibo,
maligaw, masalpak sa hindi na matukoy na lugar na parang flash drive at tangayin
na para akong isang wallet. Pero bago mangyari yon, gusto kong mag-iwan ng
marka. Lahat naman tayo gustong mag-iwan ng marka sa napalaking mundo ng
mga alaala para kung sakaling mamatay ka, alam mong nabuhay ka.
Kaya minsan talaga ang sarap umihi sa pader, may naiiwang bakas sa pader
at bakas ng amoy. Alam mong sayo yon kaso minsan maaamoy mong naunahan ka
na. Minsan ang sarap gumawa ng mali, kasi don mas naaalala ka ng tao. At minsan
ang mga minsan ang mas naaalala kaysa sa lahat ng madalas. Kaya gusto ko, pag
ako nagkaanak itutulad ko sa aking pangalan. Magiging Teofilo Palsimon III na siya.
Para kahit maggots at uod na ang katabi ko, binibigkas pa rin ang pangalan ko.
Titi ko lang daw ang hindi ko nakakalimutan. Kung ituturing kong ang lahat ng
bagay ay mga titi na nakakabit sa akin, isang pagmamay-ari at ekstensyon ng aking
sarili, siguro wala na akong makakalimutan. Pero nakakatawang tingnan na marami
akong titi sa katawan. Pero hindi ko na kailangan maging titi para hindi makalimutan
dahil malilimutan mo ring sinabi ko ang lahat ng ito.

You might also like

  • S UICIDE
    S UICIDE
    Document3 pages
    S UICIDE
    Teofztogo Palsimon
    No ratings yet
  • PCL T
    PCL T
    Document1 page
    PCL T
    Teofztogo Palsimon
    No ratings yet
  • AVP Script
    AVP Script
    Document4 pages
    AVP Script
    Teofztogo Palsimon
    No ratings yet
  • Evaluation
    Evaluation
    Document2 pages
    Evaluation
    Teofztogo Palsimon
    No ratings yet
  • AVP Script
    AVP Script
    Document4 pages
    AVP Script
    Teofztogo Palsimon
    No ratings yet
  • Gutom Ni Wilfredo P
    Gutom Ni Wilfredo P
    Document2 pages
    Gutom Ni Wilfredo P
    Teofztogo Palsimon
    50% (2)
  • Fil Psych
    Fil Psych
    Document3 pages
    Fil Psych
    Teofztogo Palsimon
    No ratings yet
  • Ampalaya
    Ampalaya
    Document10 pages
    Ampalaya
    Teofztogo Palsimon
    No ratings yet
  • Balangkas
    Balangkas
    Document16 pages
    Balangkas
    Teofztogo Palsimon
    100% (3)